Laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
7:00 p.m. — SMB vs. Ginebra

Napag-aralan ni San Miguel Beer coach Leo Austria ang Ginebra.

“Gustong-gusto nilang mag-finals because matagal na nilang hindi natitikman ‘yun and they think now is the right time kasi they’ve been playing really well,” ani Austria, giniyahan ang Beermen sa tatlong titulo at sa semifinals sa lima sa kanyang unang conferences sa team.
May pantapat naman ang SMB.

“Based sa practices namin, lalo na kanina, gutom pa rin sila,” pakli ni Austria hinggil sa kanyang Beermen. “They know they are the defending champions and they don’t want to give up that crown.”

Inaasahan na ni Austria ang dikdikang best-of-five semifinals series ng PBA Governors Cup sa pagitan ng SMB at Ginebra na sisiklab mamaya sa Smart Araneta Coliseum. Sa kabilang pairing ay ang sister teams ding TNT KaTropa at Meralco.

“Game 1 for me is very important because sometimes ito ang nagdi-dictate ng tempo ng series,” giit ni Austria.

Ngayon lang nakabalik sa semis ang Gin Kings sapul noong 2013 Philippine Cup, at una nila sa ilalim ni Tim Cone na dumating sa koponan mula San Mig Coffee bago magsimula ang season.

“We know how good San Miguel Beer is and how tough they’ll be,” panimula ng 18-time champion coach na si Cone. “We just have to see if we can make them uncomfortable and drive them out of their comfort zones.”

Pangungunahan nina Elijah Millsap, June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot at Marcio Lassiter ang Beermen. Kumpiyansa si Cone na hindi titiklop ang kanyang isasagupang sina Justin Brownlee, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Joe Devance at Scottie Thompson.

Sa nag-iisang pagtatagpo sa elims ng season-ending tournament, sinapawan ng Beermen ang Gins sa double OT 111-105 noong Aug. 14.