Seryoso nga ba ang kampanya laban katiwalian? Ang pagtuldok ng katiwalian sa gobyerno ay isang seryosong tunguhin. Nangangailangan ito ng matinding sinseridad alang-alang sa tiwalang ipinagkaloob ng taumbayan.
Makikita ang pagiging seryoso ng administrasyon kung pareho mga sinasabi sa mga ginagawa.
Madalas kung ibida ng administrasyon na nais nitong tapusin ang kurapsyon sa kanilang hanay. Gayunpaman, taliwas ito sa mga nangyayari. Nananatiling malaya ang mga nasasangkot sa mga gawaing maanomalya at walang nananagot sa kabila ng napakaraming ebidensiya ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Mahigit dalawang taon na ang administrasyon ngunit wala pa itong naipadadalang tiwaling opisyal ng gobyerno sa loob ng kulungan.
Marami na ang mga opisyal na nasibak sa kani-kanilang mga puwesto pero wala pa ring nanagot sa kanilang pagkakasangkot sa korapsyon. Inililipat lamang sila ng ahensiya ng gobyerno kung saan nauulit lamang ang katiwalian. Nagsimula na ring maglabasan ang mga dating naipakulong na ng nakaraang administrasyon.
Ang pagtapos sa problema ng korapsyon ay gaya ng pagtuldok sa iligal na droga na matagal nang isyu sa bansa. Dapat ay tumbukin ang pinagmumulan ng mga suliraning ito. Kung hindi, ang mga kampanya laban dito ay hindi makatotohanan at paporma lamang.
Ang aking hamon naman sa taumbayan ay maging mapanuri sa lahat ng pagkakataon. Malaki ang epekto ng katiwalian sa taumbayan kahit pa madalas ay hindi ito agad nararamdaman.
Ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ay pagnanakaw rin sa proyektong para sana sa taumbayan gaya ng edukasyon, pangkalusugan at iba pang batayang serbisyo. Kung mayroon man, substandard ang kalidad ng serbisyong inilalatag sa atin. Dito ay talo talaga ang mga mamamayang tapat na nagbabayad ng buwis.
Kung gusto talaga nating matapos ang katiwalian sa gobyerno, huwag tayong mahiya o matakot na singilin sila sa kanilang mga kasalanan.