Seryosohin ang pagwawalis ng mga sagabal sa kalye

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Mukhang pursigido ang ilang lokal na pamahalaan sa paglilinis ng mga sagabal sa kalsada sa kanilang nasasakupan sa mga panahong ito.

Sa katunayan, aktibo ang ilang local government units (LGUs) sa pagwalis sa mga istrakturang nakakasagabal sa daloy ng trapiko.

May ilan na ngang barangay chairman ang nakasuhan dahil sa pagi­ging inutil na resolbahin ang problema sa trapiko sa kanilang mga nasasakupan.

Ang ating suhestyon bakit kaya hindi iakyat ang pagkakaso hanggang sa mga Mayor, baka sakaling mas mapakilos ang mga ito at seryosohin ang problema sa trapiko sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Ang tingin ko kasi mas magiging mahirap para sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tapusin ang problema sa trapiko kung walang pakikiisa ang Metro Mayors.

Kung mga barangay lamang naman ay medyo madali-daling pasunurin habang kapag Metro Ma­yors na ang pag-uusapan ay mangangailangan talaga ito ng mahaba-habang panahon para mapasunod, maliban na lamang kung talagang may political will ang ating MMDA.

Kaya sana ay seryosohin pa ng MMDA ang pagkastigo sa mga pasaway na mga LGUs at tiyak na mawawala ang mga sagabal sa kalsada na nakakadagdag pa sa problema kaya lalong nagsisikip ang ating mga kalsada.

Ang mga kalsadang mistulang inari na ng mga barangay dahil sa paglalagay ng kung anu-anong istraktura ay dapat nang wasakin dahil malinaw namang labag ito sa batas.

Ang hirap kasi sa mga barangay kaya hirap magpatupad ng batas ay dahil pasimuno sila sa paglabag.

Ultimong barangay tanod ay nagsisiga-sigaan sa isang lugar sa pamamagitan ng pahambalang na pagparada ng kanilang mga behikulong ginagamit sa pagpapatrol, kaya papaano pa silang magpapasunod kung sila-sila mismo ay sanhi ng trapiko.

Kaya MMDA kilos na seryosohin at gawing regular ang pagwawalis sa mga ilegal na istrakturang nagiging sagabal sa kalye baka sakaling makahinga pa tayo ng kaunti sa teribleng bigat ng trapikong ating dinaranas araw-araw.