Ang balak na pagsasailalim ng Bureau of Customs (BOC) sa kontrol ng militar ay harap-harapang paglabag ng Pangulo sa Saligang Batas.

Nakasaad sa Section 5(4), Article XVI, hindi puwedeng mag-appoint ng aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para gampanan ang trabaho ng mga sibilyan sa gobyerno. Pero binabalewala ng Pangulo ang mga probisyong ito sa Saligang Batas.

Bukod sa nilalabag nito ang Saligang Batas, ang paglalagay sa BOC sa ilalim ng kontrol ng militar ay malayo na sa mandato ng AFP. Ang pangunahing tungkulin ng AFP ay pagdepensa sa ating teritoryo. Maski nga dito ay kinukulang pa din ang puwersa ng militar.

Kung dadagdagan pa ng tungkulin ang militar, na-o-overstretch na ang puwersa nito. Nagiging dagdag na bigat ang mga tungkuling hindi naman sakop ng militar. Tila nasasanay na ang kasalukuyang administrasyon sa paggamit sa militar kahit na ito ay labag sa Saligang Batas.

Kung talagang nais ng Pangulo na tapusin ang katiwalian sa gobyerno, ang dapat ay seryosohin ang pagpaparusa sa mga tiwali. Dapat ay managot ang mga opisyal na hindi nagagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Kung ang mga sangkot sa droga ay hindi hinahabol at ang mga nagpapabaya sa kanilang tungkulin ay hindi pinaparusahan, malayong seryosohin ng mga nasa gobyerno at ng taumbayan ang giyera kontra droga at pagsugpo sa kurapsyon.

Ang mga problema sa BOC ay matagal na. Kaya nga dapat ang mga solusyon ay pangmatagalan na. Ang maaaring gawin ay ang pagbuo ng isang commission upang maghanap ng epektibo at pangmatagalang solusyon at tamang mga reporma sa ahensiya. Kasabay nito ay ang pagreporma din sa iba pang mga institusyon. Ang mga problema sa BOC ay naaapektuhan din ng mga gawain sa ibang ahensiya.

Hindi madadaan sa paninindak ang mga problema sa BOC. Ito ay dapat masusing pag-isipan at talagang seryosohin.