Patay ang isang 57-taong gulang na lalaking taga-Tondo makalipas mag-check in sa motel kasama ang isang babaeng nasa 20s. Nagreklamo ito ng pananakit ng dibdib at hindi na umabot pa sa ospital.

Ang mga lalaki ay apat na beses na mas malamang na mamatay sa heart attack habang nakikipag-sex, ayon sa mga eksperto.

Kahihiyan at pagka-shock ng partner ang karaniwang dahilan ng kamatayan sa heart attack. Tulad ng nangyari sa ating kuwento, nabigla ang partner ng lalaki nang magreklamo ito ng paninikip ng dibdib. Noong una ay hindi malaman ng babae ang gagawin, nagbihis pa siya, at saka nagpunta sa front desk para humingi ng tulong. Ilang minuto pa ang nakalipas bago naitakbo sa ospital ang inatake sa puso.

Safe bang makipag-sex ang isang taong may sakit sa puso?
Sinabi ng mga Harvard researchers na hindi naman lahat ng lalaking may sakit sa puso o inatake na dati sa puso ay aatakihin at mamamatay dahil sa pakikipag-sex.

Mas hirap pa ang puso kapag nag-eehersisyo sa treadmill kaysa sa kapag nakikipag-sex, ayon sa isang pag-aaral ng mga researchers sa Harvard University. Ni hindi tumataas ng higit pa sa 130 beats per minute ang tibok ng puso ng isang taong nakikipag-sex. Inihahalintulad ng mga researchers sa pagwawalis ng kalat, pagsayaw at paglalaro ng pingpong ang nagagamit na oxygen ng tao na nakikipagniig.

Sa katunayan, ang mga nakaka-survive sa heart attack ay pinapayagan na ng mga doktor na makipag-sex makalipas ang ilang linggo. Pero, mas mainam kung gagawin ito sa lehitimong partner upang maiwasan ang sobrang excitement, adrenaline rush, o pagkatakot dahil baka mahuli ni misis.
Kailangan ding ang mas healthy na partner ang kumilos kaysa sa may sakit sa puso.

Iwasan ding magpakabusog o uminom ng nakalalasing na inumin bago makipagniig.

Kung hindi maganda ang pakiramdam, huwag nang ipilit.

Ang paggamit ng mga gamot para tumayo si manoy tulad ng sildenafil, vardenafil at tadalafil ay ipinagbabawal sa mga may sakit sa puso na umiinom ng nitrate medications.

Gumamit na lang ng vacuum pump, urethral tablets at alprostadil injections dahil mas safe ito sa mga lalaking may problema sa puso, ayon sa Harvard researchers.

Paano malalaman kung ready nang makipag-sex ang isang inatake sa puso?
Umakyat ng dalawang bahagdan (two flights of stairs). Kapag hindi ka hiningal o sumakit ang iyong dibdib, ready ka na sa laban.

* Si Marou Pahati Sarne ay host ng Radyo Klinika sa Dwiz 882 KHZ AM. Maaari siyang padalhan ng email sa marou70@gmail.com