Dinampot ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang lalaking massage therapist ng isang spa sa Sta. Cruz, Maynila matapos mahuli ang mga ito sa aktong nagbibigay ng extra service sa kanilang mga lalaki ring kustomer kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa paglabag sa Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang mga inaresto na kinilalang sina Marben Jan Villavicencio y Espino at Edwin Fabunan y Bermudez, kapwa nasa hustong edad.
Nakatakas ang isang Francis Ambrosio Sy na nagtatrabaho rin umano sa sinalakay na DL’S Wellness Center na matatagpuan sa Malabon St., Brgy. 336, Zone 34 sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay PSMS. Roderick Kabigting, isang walk-in complainant ang nagsumbong sa presinto hinggil sa extra service na inaalok ng mga suspek kaya agad ikinasa ang entrapment operation.
Bandang alas-9:30 ng gabi nang bulagain ng mga pulis ang spa kung saan naaktuhan ang mga suspek na nagbibigay ng extra service sa kanilang mga kustomer sa maliliit na cubicle.
Ayon sa pulisya, ang ganitong extra service na man-to-man sex ay isang paraan para makahawa ng mga sexually-transmitted disease katulad ng human immunodeficiency virus/acquired immunodeficiency syndrome (HIV/AIDS). (Juliet de Loza-Cudia)