Arestado ang isang amang construction worker makaraang gawing sex slave sa loob ng pitong taon ang kanyang sariling anak na dalaga sa Balamban, Cebu.
Sa ulat na ipinarating sa Camp Crame, inaresto ang suspek na itinago sa pangalang Yves, 54, ng nabanggit na lugar.
Napag-alaman na base sa salaysay ng biktima, sinimulan siyang abusuhin ng kanyang ama noong siya ay 13-anyos pa lamang at natakot magsumbong sa bantang papatayin ang kanyang ina.
Hanggang sa matuklasan ang muling panggagahasa ng ama sa biktima na ngayon ay 20-anyos na sa mismong lamay pa ng kanyang ina.
Nabatid na namatay ang kanyang ina dahil sa matinding sakit pero habang nasa lamay ay muli siyang inabuso ng ama na nabisto ng ilang kaanak at ito ay naaresto.
Kasong multiple rape ang isasampang kaso laban sa suspek na itinago ang pagkakakilanlan sa hiling ng biktima.