SEX TORTURE NG DRIVER

“Pilit po niya akong pinag­huhubad ng damit kahit na kalong ko ang aking anak…”

Ito ang sumbong ng isang 23-anyos na single mom na tinangkang halayin umano ng isang driver sa may Paco, Maynila.

Nagtungo sa MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang bikti­mang itinago sa panga­lang Nelly, taga Paco, Maynila kamakalawa ng hapon, para ireklamo ang suspek na nakilalang si Mohammad Abdullah Pundaodaya, taxi ­driver at nagmamaneho ng kulay gray na Toyota­ Vios na may conductor Sticker na YY-8990.

Sa salaysay ng biktima, nagtungo ­umano siya sa kanyang biyenan noong Lunes upang ipa­kita ang kanyang anak na 10 buwang gulang sa panulukan ng Dagupan Ext. at Coral Sts., sa ­Tondo.

Inabot siya ng gabi, kaya nagpasiya ang kanyang biyenan na tuma­wag umano ng Grab taxi na dumating dakong alas-otso at dito na inabot ng matanda ang P169.00 na bayad sa pamasahe at nagpakilala ito sa pamamagitan ng kanyang identification card mula sa kompanya.

Habang tinatahak ang daan patungong Paco, nagulat ang biktima dahil sa Divisoria ito dumaan at nag-one way sa Claro M Recto, bago nagtuluy-tuloy sa Taft Avenue.

Ayon pa sa biktima, pagsapit sa tapat ng Lukban Elementary School sa Pedro Gil St., sa Paco, ipinara umano ng suspek sa madilim na bahagi ng lugar ang taxi at saka pilit umano siyang pinag­huhubad ng damit.

Bagama’t takot na takot, lakas-loob nitong binuksan ang pinto ng sasakyan at saka mabilis na nagtatakbo palayo karga ang anak na sanggol. At pagsapit sa kanilang bahay ay nagsumbong na ito sa kanyang mga magulang.

Nang malaman naman ito ng kanyang biyenan ay agad itong tumawag sa nabanggit na kumpanya at pinayuhan naman itong magsumbong sa pulisya.