Nanaginip akong nakikipag-sex sa kapwa babae. Hindi ako lesbian at may mga anak na ako kaya nagtataka ako sa naging panaginip ko. Ang masaklap pa, kaaway ko ang babae sa aking pa­naginip.

Kung sa iyong pana­ginip ay nakita mo ang sarili mo na nakikipag-sex sa kapwa mo babae, hindi naman ibig sabihin nito na gusto mong maranasan ang ganitong uri ng relasyon sa aktuwal na buhay.

Gayunpaman, sa ganitong uri ng panaginip, tanging ang nanaginip ang makakapagsabi kung meron ba siyang lihim na paghahangad na maranasan ang same-sex relationship. May pagkaka­taong hindi natin maamin sa ating sarili ang totoong gusto natin lalo na kung batay sa ating paniniwala ay mali ito. Sa ganitong pagkakataon, luma­labas sa panaginip ang anumang pinipigilan mo sa aktuwal na buhay.

Subalit kung wala ka naman talagang interes na makaranas ng same-sex relationship, may ibang aspeto ng buhay mo na sinisimbolo ng iyong pa­naginip.

Ang pakikipag-sex ay maaaring ikonek sa paghahangad mong ma­naig, makontrol ang isang tao o isang sitwasyon at iba pang mga non-sexual issues ng buhay.

Dahil ang babae sa iyong panaginip ay kaaway mo, puwedeng dahil sa matindi mong galit sa taong ito ay masyado mo nang hinahangad ang kanyang pagbagsak. Sa iyong panaginip, nakita mo ba ang sarili mo na ikaw ang may hawak ng kontrol habang nakikipag-sex sa kanya o ikaw ang sunud-sunuran sa kanyang kagustuhan? Kung ikaw ang may kontrol, ito ang gusto mong mangyari—ang makontrol ang kaaway mo.

Posibleng iyon mismo ang nararamdaman mo at sinasabi ng isip mo—na kayang-kaya mong talunin ang kaaway mo. Pero kung sa pana­ginip mo ay ikaw ang sunud-sunuran sa kanya, sinasabi ng isip mo na paki­ramdam mo ay hindi mo siya kayang talunin.

Ang isang panaginip na sekswal ay maikokonek din sa iyong paghahangad na magkaroon ng fulfillment at mag-isip ng mga hindi mo pa nasusubukang ideya.

Pag-aralan sa sarili mo kung ano ang posibleng tunay at pinakamalapit na interpretasyon ng iyong panaginip. Maaari itong makatulong sa pagdedesisyon kung ano ang dapat gawin sa aktuwal na buhay.

Posible ring masyado ka nang napopokus sa pakikipagbanggaan mo sa iyong kaaway. Ilayo muna ang sarili, pag-aralan ang sitwasyon. Dapat pa bang patulan ang taong ito? Kung nakakaapekto na hanggang sa pagtulog mo ang mga nangyayari, baka kailangang ayusin na ang gusot.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating pa­naginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay.  Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.