Tinangkang umeskapo pero hindi nakawala sa mga tumutugis na pulis ang isang lalaki na inakusahan ng panggagahasa ng isang 14-anyos na dalagita.

Naaresto ng mga operatiba Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang suspek na kinilalang si Charles Morisson-Lonie na isa diumanong ma­nager ng spa.

Nabatid na isinailalim sa entrapment o­peration ng mga opera­tiba ng CIDG ang suspek matapos ireklamo ng dalagitang nabiktima niya na tinatakot umano ni Lonie na ipagkakalat ang sex video nila kapag hindi ito nakipagkita ulit sa kanya para magtalik sila.

Batay sa reklamo ng dalagita, isang kaibigan niya sa Facebook ang nagkumbinsi sa kanya na makipagkita sila sa suspek noong Agosto 25.

Pumayag naman ito at kanilang nakaharap ang suspek. Pero umalis umano ang kanyang kaibigan at naiwan siyang mag-isa sa suspek at doon na siya pinuwersa nito na makipagtalik matapos pagbantaan na masasaktan kapag hindi pumayag sa kagustuhan ni Lonie.

Hindi umano niya alam na kinunan ng video ng suspek ang ginawa nito sa kanya at ginamit ito na panakot para lamang mapilitan siyang makipagkita uli at pumayag na maki­pagtalik muli kay Lonie.

Samantala, hindi naman umano itinanggi ng suspek ang nangyari sa kanila ng biktima pero hindi umano niya alam na menor de edad pa ito.

Nasakote ng mga operatiba ng CIDG ang suspek nang maipit umano ito sa matinding trapik sa Marikina City.

Nakumpiska sa kanya ang cellphone na may mga malalaswang video, mga discount card sa motel, sex toys at mga drug paraphernalia bukod pa sa isang pakete ng hinihinalang shabu.

Patong-patong na mga kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, child pornography at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa ng mga awtoridad laban sa kanya.