tonite-no-thanks-cristy-fermin
Matagal nang tapos ang relas­yon ng isang pulitiko at ng isang sexy actress. Sunod ang kanyang layaw sa yayamaning pulitiko. Anumang oras niyang gustong bumiyahe sa ibang bansa kasama ang buo niyang pamilya ay para lang siyang nagpupunta sa Quiapo.
Pati ang magarang bubong na sinisilungan ngayon ng kanyang pamilya ay ang bilyonaryong politician din ang nag-sponsor. Kanya raw ‘yun, sabi ng sexy actress, pinaghirapan daw niya ang ipinagpatayo ng bahay kahit magtanong pa ang mga miron sa bangkong pinagsanlaan niya ng pangdagdag na milyones sa pagpapagawa.
“Naghahamon siya, e, wala naman siyang ipinakikitang dokumento ng pagsasangla niya. Nakakaloka rin ang babaeng ‘yun, e. Magkano lang ba ang kinikita niya sa mga shows na regular siyang napapanood?
“Baka sa bakal at semyento pa nga lang, e, kapos na kapos pa ‘yun! Kanya raw ang ipinagpatayo ng bahay? Neknek niya!” naiinis na komento ng aming impormante.
Ngayon ay malaya nang nairarampa ng sexy actress ang kanyang boyfriend. Kung saan-saan sila nakikitang nag­lalambingan. Bakit nga naman, sabi siguro ng girl, nu’ng magkarelasyon sila ng kilalang pulitiko ay hindi man lang sila nakalalabas dahil sa tagung-tago nilang pagmamahalan?
Sabi uli ng aming source, “Bumabawi ang hitad nga­yon, display kung display siya sa boyfriend niyang matangkad! PDA ang drama nila, lambingan nang lambingan, post sila nang post ng mga pictures nila!
“Bakit nga naman, e, nu’ng sila pa ng karelasyon niyang pulitiko, e, hindi naman sila puwedeng makita in public? Puro palihim ang pagkikita nila. Kasi nga, e, malaking issue ‘yun, pamilyado ang politician.
“Sabi ng girl sa mga friends niya, ‘it’s nice to be free!’ Ang tanong, totoo nga bang ginagawa lang siyang trophy ng boyfriend niya?
“Ipinaparada siya sa kung saan-saan, ipinagmamayabang sa mga kaibigan niya, kaya look n’yo, hindi na masyadong hot ngayon ang popularity ng girl. Kung saan-saan na kasi siya nakikita, nawalan na siya ng mystery,” madiing kuwento ng aming source.
***

Nilutong putahe ng kalaban ni Coco di tinikman

Humanap ng panahon si Coco Martin mula sa mahigpit niyang schedule para personal na humarap sa mga tagapamuno ng DILG. Nagpaliwanagan ang magkabilang kampo tungkol sa reklamo ng mga kapulisan na sinisira diumano ng FPJ’s Ang Probinsiyano ang kanilang imahe.
Walang hindi nalulutas ang pakikipagkomunikasyon. Palaging bukas ang pagkakasundo kapag nagkikita sa gitna ang mga nag-uumpugang kampo.
Kasama ang ilang ehekutibo ng ABS-CBN ay umalis sa Camp Crame si Coco Martin na plantsado na ang isyu. Walang plano ang DILG na ipasara ang serye, nirerespeto ng mga ito ang atake ng Ang Probinsiyano, basta huwag lang sosobra sa kailangan lang.
Ang totoo ay naging katawa-tawa ang nagpasimuno ng ide­yang winawasak ng serye ang hanay ng mga kapulisan. Kung kasinglinis man lang sana ng bond paper ang kanilang imahe ay siguradong maraming maniniwala sa kanilang reklamo.
Pero ano ba ang nagaganap sa ating bayan ngayon? Sino ba ang madalas na bumibida sa mga news prog­rams tungkol sa pagpapalaot ng ilegalidad at mga tiwaling gawain?
Ang tunay na engkuwentrong pinaiinit ngayon ng marami ay ang pagtatapatan ng Ang Probinsiyano at ng Cain At Abel ng GMA-7. Halatadong pinaghandaan ng kalabang istasyon ng Dos ang serye nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo.
Pero nabigo ang may kaangasang humahabi ng script ng Cain At Abel sa pag-asa nitong magsasawa na ang publiko sa Ang Probinsiyano. Hindi tinikman ng bayan ni Juan ang niluto nitong putahe.
May mga tumutok, pero hindi ‘yun sapat para patimbuwangin sa rating ang seryeng tatlong mahahabang taon nang namamayagpag, mil­ya-milya ang layo ng nakuhang numero ng serye ni Coco Martin kumpara sa magkahawak-kamay na serye nina Dingdong at Dennis.
Ang Probinsiyano pa rin!