Sexy actress nganga sa kinasasabikang dyowa

tonite-no-thanks-cristy-fermin
MATAGAL na palang humahanap ng padrino ang isang sexy star para makilala niya nang personal ang isang kilalang businessman na nagkakaroon ng mga karelasyong artista.
Nakarating kasi sa seksing female personality na ibang klaseng humawak ng relasyon ang negosyante dahil inilalagay nito sa pa­ngalan ng babae ang mga properties na ibi­nibigay nito.
Kuwento ng ­aming source, “Galing na rin kasi siya sa pakiki­pagrelasyon sa isang yayamaning figure pero nu’ng maghiwalay sila, e, wala naman pala sa pangalan niya ang lahat ng ihinatag sa kanya.
“Mga personal lang niyang gamit ang nakuha niya, like ‘yung mga alahas na ipinang­regalo sa kanya, pero ‘yung house and lot na tinirhan nila ng family niya, e, wala naman pala sa name niya.
“Pati nga ang magarang kotseng ginagamit niya dati, nasaan na ba ngayon? Waley na, ‘di ba? Kasi nga, e, wala naman ‘yun sa pangalan niya!” unang chika ng aming impormante.
Pero kakaiba nga raw ang milyonaryong businessman, sa pagtatanung-tanong ng sexy star ay inilalagaw raw nito sa pangalan ng babae ang mga inireregalo nitong propyedad, kaya gustung-gusto niya itong siluin para makarelasyon.
Buwelta ng aming source, “Naku, nahuli na siya, meron nang girlfriend ang kinasasabikan niyang makarelasyong negosyante. Ilang months na silang magkarelasyon ng isang magandang female persona­lity na simple lang ang porma.
“Buhay-mayaman na ang girl, maunlad na ang buhay ng family niya, dahil tala­gang sinuportahan sila ng businessman. Tama sya, nakagalay na sa name ng girl ang mga sasakyang ginagamit niya.
“Pati ang mga pro­perties na binili ng businessman para sa family ng girl, nakalagay rin sa name niya. Kanya na ‘yun, hindi hiram lang. Sorry, na-late siya nang ilang paligo,” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.

JM tinawag na sinungaling, user, two-timer

MAGINOO si JM de Guzman. Nang maghulog ang langit ng haba ng pisi ng pasensiya ay nagtanggal siya ng bubong ng kanilang bahay para makasambot nang sobra-sobra sa kanyang pangangailangan.
Pero may hangganan ang pasensiya. Kapag sobra na ay itinutulak na rin siyang lumaban lalo na kung puro kasinu­ngalingan ang ibinabato laban sa kanya.
Nasa ganyang posisyon ngayon ang maga­ling na aktor. Pinuputakti siya ng mga bashers na pinalalabas siyang sinungaling, two-timer at user.
Ipinagtatanggol ng mga ito si Barbie Imperial na diumano’y niloloko niya dahil ang totoong mahal niya ay si Rhian Ramos. Nakakaawa naman si Rhian, sa hiwalayan nina Vice Governor Jolo Revilla at Jodi Sta. Maria ay ito rin ang pinagbintangang third party, palagi na lang bang ganu’n ang imahe ng magandang aktres?
Naputol ang pisi ng pasensiya ni JM de Guzman, sinagot niya ang mga nagbibintang sa kanya ng puro ka­baligtaran, kaya humaba nang humaba ang isyu.
Ang tanong, umamin na ba nang lantaran sina JM at Barbie na sila na nga? Pakiramdam ng mas nakararami ay totoo ‘yun, pero kailangan pa rin ng kumpirmasyon, na hindi pa ginagawa nina JM at Barbie.
Hindi man kami nagkikita ni JM de Guzman at hanggang pagte-text lang ang aming komunikasyon ay parang kilalang-kilala na rin namin siya mula ulo hanggang sa talampakan dahil kay Rita Avila.
Matagal silang na­ging magkatrabaho sa seryeng Araw Gabi, bibihirang artista ang nakakagaanan ng loob ng magaling na aktres, isa du’n si JM dahil napatunayan ni Rita ang pagiging marespeto niya.
“Mabait siya, very humble, punumpuno ng respeto sa kahit sino. Malalim din si JM, saka pasensiyoso siya. Kapag sobra na, marunong din siyang lumaban na right niya naman,” papuri ni Rita Avila sa aktor.