Sexy comedienne, wala nang kilalang artista

NAGING controversial noon ang sexy comedienne.

Dahil may ibubuga sa pagho-host at pagkanta, ginetching siya sa isang variety game show.

Nag-uumiyak pa siya nang tinanggap niya ito. Feeling ng luka-luka, best actress award ang nakuha niya.

Pero dahil sa hindi maipaliwanag na isyu, na-Lost in Space ang kanyang beauty sa show.

Kasabay nu’n ang matagal na bakasyon niya sa showbizlandia.

Nagpakita na lang siya nang ilo-launch na ang kanyang album. Karay-karay niya ang isang hunk na menthol at ipinagmalaking jo­waers niya ito.

Inggit much ang mga beki dahil makalaglag-panty ang mhin.

Ang feeling ng mga vakla, si sexy comedienne/singer/host ang gumagastos sa mga pangangailangan ng hunk.

Then, nawala na namang parang bubbles sa labada si ate.

Bigla na lang itong sumulpot na parang kabute sa isang big event. Mas gumanda at mas kuminis.

Ang mga utaw, nakatingin lang sa kanya at nagbulungan, “Da hu?”

Hanggang dumating ang isang gay host. Nagtilian ang dalawang lukaret na matagal nang magkakilala.

Umaatikabo ang kanilang chikahan, hagikhikan, bidahan, tawanan, kurutan, tampalan at eklayan.

Nang biglang dumating ang mga artista sa backstage, bulong nang bulong si gaga at itinatanong kay gay host kung sinu-sino ‘yung dumadating.

Super-pakilala naman ni beki.

Parami nang parami ang mga nyortista. Halatang galit na ang vakla dahil ultimo mga not-that-young artista, wiz daw knowing ni singer.

Tumili si bakla at siney kay singer/host, “Pinatitripan mo ba ako?! Kasi, lahat na lang, hindi mo kilala, bago man o matagal na! Ilang taon ka bang nawala sa Pilipinas?!”

Sagot ni gagang singer, “Hindi naman ako umalis, sister. Nasa bahay lang ako lagi at hindi lumalabas.”

Talak ulit si bading, “I’m sure, nanonood ka ng local chanel sa TV at nagbabasa ng tabloid.”

Bulalas ni gaga, “Oo naman!”

Doon na tumayo si vaklush at bumulyaw, “Maghanap ka ng kausap mooo!!!!! Shet!”