By Timmy Basil
Kaloka ang nangyari sa shooting ng isang sexy movie. Kinunan ito sa Palawan. Ang eksena, nasa bangka ang isang sexy star at nakita niya sa dalampasigan ang kanyang asawa na may ibang babaeng kinakalantari.
Nasa bangka siya dahil kunwari galing siya sa pamamalengke sa tawid-isla. Very remote kasi ang kanilang isla at walang mabibilhang grocery.
Ang sabi ng director, doon na siya tatalon sa may malapit sa pangpang para hindi na siya mahirapang lumangoy.
“Ay, don’t worry Direk, dito na ako sa malalim tatalon, swimmer yata ako Direk,” pagmamayabang ni sexy star.
O ‘di sige, naniwala naman si Direk kaya take na.
Pag-dive ni sexy star, agad siyang tinangay ng malakas na current. Kahit marunong siyang lumangoy wa epek ‘yun dahil ang lakas talaga ng alon. Hirap na hirap siya at panay ang taas ng kamay sabay sigaw ng “help”! Mabuti’t na-rescue siya kaagad kundi, baka kinain na siya ng pating sa kanyang labis na bilib sa sarili.
Naantala ang shooting ng ilang oras dahil kailangan pang pahingahin nang husto si sexy star. Maraming tubig dagat ang nainom at nanlupaypay.
Sino si sexy star na nagyabang? ‘Di siya gaanong sumikat pero nagkaroon naman siya ng marka sa ilang bold movies na ginawa niya. Tunog bulaklak ang kanyang screen name.