Shabu, armas nakuha sa school sa Cotabato

Halos kalahating milyong halaga ng shabu at mga armas ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), pulisya at sundalo matapos arestuhin ang tatlo katao sa isinagawang pagsalakay sa loob ng isang paaralan sa Arakan, Cotabato, noong Sabado.

Sa ipinarating na report kahapon, kinilala ang mga naaresto na sina Anwar Mulana, alyas Astron; Gerry Miclat at Jojo Gaspar na nadakip nang salakayin ang Cotabato Foundation College of Science & Technology sa Barangay Doluman sa bisa ng search warrant na inilabas ng Kabakan Regional Trial Court Branch 16.

Nabatid na nagpalabas ng warrant ang korte dahil sa paglabag sa Section 6 o maintenance of a drug den sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Nasa 25 sachet ng shabu, weighing scale, ilang drug paraphernalia, at iba’t ibang klase ng baril ang nakumpiska ng PDEA gaya ng apat na M16 rifle, pitong shotgun, isang M14 rifle, AK 47, isang KG-9 sub-machine gun, at tatlong .45 pistol.

Hindi naman inabutan ang target ng mga awtoridad na si Samson Molao, ang pangulo ng nasabing paaralan na umano’y sinasabing sangkot sa iligal na droga.