Tumimbwang sa kamatayan ang magkapatid na sangkot umano sa iligal na droga matapos makipagbarilan ang mga ito sa mga alagad ng batas sa isang buy-bust ope­ration kahapon ng mada­ling-araw sa Pasay City.

Kapwa dead-on-arri­val sa Pasay City Gene­ral Hospital (PCGH) ang mga suspek na sina Michael Lim, 23 at naka­babatang kapatid nitong si Djerome, 21, binata at nakatira sa No. 2297 FB Harrison ng naturang lungsod, na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Ayon kay Supt. Jenny Tecson, hepe ng Public Information  Office (PIO) at tagapagsalita ng Southern Police District (SPD), na base sa ulat na isinumite dakong alas-2:40 ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust ope­ration sa naturang lugar ang mga tauhan ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (DAID-SOTG) sa pamumuno ni Senior Inspector Wilfredo Sangel laban sa mga suspek.

Isa sa mga operatiba ang nagpanggap na poseur buyer na bibili ng droga sa mga suspek, subalit nakatunog ang mga ito na ang kanilang nakatransaksiyon ay isang pulis.

Dito na pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis na aaresto sa kanila, subalit hindi tinamaan.

Hanggang sa gumanti na ng putok ang mga ala­gad ng batas na nagresulta ng pagbubumulagta ng magkapatid na Lim.

Agad naman isinugod ng mga pulis ang magka­patid sa naturang na ospital, subalit deniklarang dead-on-arrival ni Dr. Marlon Caranava.

Narekober ng mga pulis sa lugar ng insidente ang isang kalibre .38 baril, homemade .9mm at ilang plastic sachet na droga at P500 na marked money na ginamit sa buy-bust operation.

Habang ang mga labi ng magkapatid ay pansa­mantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya. Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa naganap na insidente.

Base naman sa rekord ng pulisya, ang nasawing magkapatid ay nasa drug watch list.