Shabu labs ng Maute sinusuyod

Target na rin ng mili­tar ang paghahanap at pagsugpo sa shabu laboratory sa Marawi City bukod sa paghanting mga natitirang mga miyembro ng Maute at Abu Sayyaf Group.

Ayon kay Joint Task Force Ranao Commander Brig. Gen. Ramiro Rey, may mga impormas­yon silang natatanggap kaugnay sa pagkakaroon ng pagawaan ng droga sa loob ng conflict zone.

Kamakalawa ay umaabot sa halos 11 kilo ng shabu na may street value na P250 million ang narekober ng mga awtoridad sa pinaniniwalaang pinagtaguan ng mga ­miyembro ng Maute terror group.

Malaki rin ang hinala ng mga awtoridad na bangag sa droga ang mga terorista na kanilang tinutugis sa kasalukuyan.

Pinag-aaralan din ng AFP ang posibilidad na may mga narco-politicians sa likod ng mga illegal drugs sa Marawi City.

Sa pinakahuling bilang ng militar, sinabi ni Rey na umaabot na sa 258 ang Maute members na kanilang napapatay simu­la nang sumiklab ang gulo sa Marawi City may isang buwan na ang nakakaraan.