Shabu nabuking sa champorado

Arestado ang dala­wang babae matapos magtangkang magpuslit ng iligal na droga na naka­siksik sa mga kahon ng champorado sa ipapada­lang package sa isang courier service kamaka­lawa ng umaga sa Lungsod ng Muntinlupa.

Swak sa rehas na bakal ang mga suspek na sina Sally Labios Gonowon at Jessica Bautista, pawang nasa hustong gulang at residente ng Phase 1, Block 4, Brgy. Baya­nan, ng naturang lungsod.

Ayon sa Muntilupa City Police, dakong alas-9:30 ng umaga ng madakip ang mga suspek dahil sa natanggap na tawag mula sa empleyadong si Oliver Ocampo ng LBC Bayanan Branch.

Naghinala umano si Ocampo sa mga nakasiksik sa dalawang kahon na instant champorado na package na ipapadala sana sa Davao Del Norte.

Nang siyasatin ng mga awtoridad, napag-alaman na naglalaman nga ito ng apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na aabot umano sa 20 gramo.

Itinanggi naman ng mga suspek na sa kanila ang package at sinabing napag-utusan lamang sila ng isang nag-ngangalang Abie Escamos, alyas ‘Nognog’ na ipadala ang package sa naturang courier.

“Sa mga kababayan­ natin, tignan munang mabuti kung may ipinapakisuyo na shipment para makaiwas sa ganitong sitwasyon. Sa mga courier service naman, suriin mabuti ang mga dumaraan sa kanilang packages,” pahayag ni PO2 Rommel Turingan ng Muntinlupa City Police.

Patuloy naman nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente at nagsasagawa rin ng follow-up operation upang matunton si Escamos at matukoy din kung ano ang kaugnayan nito sa dala­wang babaeng naaresto.

Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nadakip na suspek.