Kalaboso ang isang lalaki na unang sinita dahil sa paglabag sa smoking ban, ngunit nang kapkapan ang bulsa ay nakuhanan ng apat na bulto ng shabu, kamakalawa nang gabi sa Tondo, Maynila.
Nakakulong sa Manila Police District-Police Station ang suspek na si Albeza Pitallana, 52, ng Tondo Sta. Fe St., Tondo.
Ayon sa pulisya, naaresto si Pitallana dahil sa ikinasang Simultaneous Anti Criminlity and Law Enforcement operation sa nasabing lugar alas-10:30 noong Sabado, noong una ay nahuli lamang ang suspek dahil sa paninigarilyo nito sa pampublikong lugar, ngunit nang kapkapin ang bulsa ng short nito ay nabisto na may apat na pakete ng shabu na nagkakahalaga ng kabuuang P28,000.
Hindi itinanggi ni Pitallana ang nakuhang shabu sa kanya at inamin pa nito na kinukuha niya ang iligal na droga sa Cavite.
Sinampahan ng kasong paglabag sa E.O. 26 at RA 9165 ang narestong suspek sa Manila Prosecutors’ office.