Buking ang isang 27-anyos na ­babae makaraang mabuking ang shabu na ipinalaman niya sa Spanish bread at tinangkang ipuslit upang ipasalubong sa dadalawing kaibi­gang nakakulong sa La Loma Police sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Dir. Chief Supt. ­Joselito Esquivel Jr. ang naarestong si Lea Faustino, 27, nakatira sa No. 134 Binhagan St., Brgy. 129, Caloocan City.

Ayon kay P/Supt. Camlon Nasdoman, hepe ng QCPD-Station 1, alas-otso ng umaga ay nagpunta sa kanilang istasyon si Faustino para dalawin ang kanyang kaibigan na si Rogelio Teodoro na nakulong dahil sa kaso kaugnay sa illegal drugs.

Agad na kinapkapan si Faustino, tiningnan ang dala nitong gamit pero walang nakuhang droga ngunit nang siyasatin ang dala nitong mga tinapay na ‘Spanish bread’ ay doon nakuha ang pitong sachet ng shabu na pinalaman nito.

Hindi na nakatanggi pa si Faustino at maging siya ay nakakulong na rin ngayon sa selda at nahaharap sa kasong illegal possesion ng bawal na gamot.