Shabu pusher sa QC ‘di maubos, 12 pa nalambat

Kahit panay ang anti-illegal drugs ope­ration ng mga pulis sa Quezon City ay hindi pa rin nila maubos ang mga nagtutulak ng droga sa lungsod makaraang malambat sa nakalipas na magdamag ang 12 pang tulak nitong Linggo ng madaling-araw.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang mga inarestong suspek na sina Imelda Vergara, 39-anyos; Jonalyn Malijana, 39; Marissa Tamayo, 38; Perla Emperado, 51; Christopher Mallari, 43; Joshua Malijana, 19; Marlon Morales, 30; Roger Bulaong, 51; Apolinario Cleofas, 23; Arjay Centeno, 27; Roderic Caliva, 38; at Edgardo Sabellero, 49.

Nasakote ang mga ito sa magkakasunod na buy-bust operation ng mga operatiba ng QCPD dakong alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-kuwatro ng madaling-araw.

Mismong mga residente na umano ang nagbigay ng impormasyon sa pulisya tungkol sa gawain ng mga suspek na ayaw pa ring tumigil sa kanilang pagbebenta ng droga.

Base sa ulat ng QCPD, nasa 100 plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000 at mga drug paraphernalia ang nasamsam mula sa mga suspek.

Kinasuhan ang 12 suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.