Pitong kalalakihang ang dinakip ng operatiba ng Northern Police District – Special Operation Unit (NPD-DSOU) matapos maaktuhan ang isang pasugalan na ang tayaan ay pake-pakete ng shabu.
Sa ulat ni PChief Supt. Jose Ali Duterte ng NPD-DSOU, kinilala ang mga hinuling suspek na sina Christian Macrohon, aka “Intsik”, 29; Herminio Isip, 39; Dindo Mendoza, 48; Alvin Villamedes, 47; Larry Francisco, 42; Ruben Samaco, 40; at Alexander Medenilla, 34.
Nakatanggap umano ng tip ang pulisya hinggil sa ginagawang pagti-trip ng mga suspek na gawing pustahan sa cara y cruz ang pake-pakete ng shabu.
Nahuli ang mga ito sa isang pasugalan sa Block 49, Alupihang Dagat Street, Brgy. Longos sa Malabon City.
Narekober ng mga pulis ang ilang mga pakete ng hinihinalang shabu at mga paraphernalia sa pagbatak ng iligal na droga, cash at mga gamit sa cara y cruz.