Inaresto ng Sta. Barbara Police Station (SBPS) ang tinaguriang ‘shabu queen’ ng bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan matapos ang ginawang anti-illegal drugs operation kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng SBPS ang suspek na si Gloria Campos, 43-anyos, ng Brgy. Palina West, Urdaneta City ng nasabing lalawigan.

Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang pag-aresto bandang ala-1:05 ng madaling-araw nang makatanggap ng ulat ang SBPS mula sa concerned citizen na nagbabagsak ng shabu si Campos sa nasabing bayan.

Nagkasa ng operasyon ang pulisya at agad na pinosasan ang suspek nang makabili ang kanilang undercover agent ng shabu mula kay Campos.

Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu at hindi pa matukoy na halaga ng marked money.

Nakakulong ngayon ang suspek sa SBPS jail at mahahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Illegal Drugs Act.