Sinalakay ng mga awtoridad ang isa umanong drug den na nagsisilbi ring shabu tiangge at napatay ang isa sa mga suspek doon matapos makipagpalitan ng putok sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Caloocan City Police ay nakilala ang napatay na suspek na si Erwin Labantosas, alyas ‘Bunso’, 37, ng Phase 7B Package 1 Block 56 Lot 8, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod habang nakatakas naman ang ilan pa niyang kasamahan.
Ganap na alas-10:45 ng gabi nang magtungo ang Drug Enforcement Unit ng Caloocan City Police Community Precinct sa pamumuno ni PCInsp. Ronald Cayago sa sinasabing shabu tiangge ngunit nang makita sila ni alyas ‘Bunso’ay bigla silang pinaputukan nito, dahilan upang gumanti ang mga alagad ng batas at tamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na siya nitong ikinasawi.