WALA nang makapipigil pa sa pagmamahalan nina Camille (Shaina Magdayao) at Rafael (JC de Vera) sa Kapamilya afternoon series na The Better Half.
Handa na nilang ihayag ang kanilang pagbabalikan kahit pa humadlang ang mga taong pilit silang pinaghihiwalay!
Ikinumpisal na ni Camille ang lihim nilang relasyon ng kanyang asawa matapos ang sunud-sunod na kaguluhan sa kanilang mga pamilya simula ng kanilang pagbabalikan.
Kahit pa maging balakid sa kanila ang ina ni Rafael na si Helen (Joyce Ann Burton) at kaibigang si Ashley (Emmanuelle Vera), pilit silang maninindigan sa kanilang pagmamahalan at patuloy na ipaglalaban ang isa’t isa.
Lubos naman ang paghihinagpis ni Marco (Carlo Aquino) nang tanggihan ni Camille ang kanyang pag-ibig nang aminin nito ang hangarin na muling ligawan ang dating asawa.
Sa kabila nito, hindi siya titigil na ipadama ang kanyang pagmamahal, kahit pa hindi ito masuklian ni Camille.
Tuluy-tuloy naman ang pagmamanman ni Bianca (Denise Laurel) kina Rafael at Camille upang tulungang maayos ang kanilang relasyon at maangkin nang tuluyan si Marco.
Sabay dito ang mas humihigpit na imbestigasyon ng kanyang madrasta sa pagkamatay ng kapatid nitong si Juancho, ang tiyo ni Bianca na kanyang pinatay matapos subukan siyang halayin nito.
Patuloy na panoorin ang mga buhay na pinagsama-sama at sinira ng pag-ibig sa The Better Half, pagkatapos ng Pusong Ligaw sa ABS-CBN.