Shakira, J.Lo nagpasiklaban

Shakira, J.Lo nagpasiklaban

Nagsanib-puwersa, birit at indak sina Shakira at Jennifer Lopez para yanigin ang Hard Rock Stadium sa Miami sa halftime ng Super Bowl LIV nitong Linggo.

Binanatan ng dalawa ang medley ng kanilang signature hits, kasama ang trademark na payugyog ng balakang.

Inumpisahan ni Shakira ng ‘She Wolf’ na pinasukan ng ‘Whenever, Wherever’ bago siningit ang ilang bahagi ng ‘Kashmir’ ng Led Zeppelin. May belly dance at rope dancing pa siya bago tinapos sa kanyang signature song ‘Hips Don’t Lie’.

Sinundan ng naka-black leather outfit na si J.Lo sa pambungad na ‘Jenny From The Block’, nag-pole dancing pa. Pinasok niya ang ‘Love Don’t Cost a Thing,’ ‘Get Right,’ ‘On the Floor’ at ‘Que Calor’ bago hinubad ang leather para maiwan ang silver outfit na halos see-thru na.

Bumalik si Shakira para tumugtog ng drums habang bumabanat si J.Lo. Maya-maya, showdown na ang dalawa. Palitan sa ‘Let’s Get Loud’ ni J.Lo at ‘Waka-Waka (This Time for Africa)’ ni Shakira.

Hindi nakapasok sa Hot 100 ng Billboard charts ang ‘Let’s Get Loud’ at ‘Waka-Waka’ pero parehong naging stadium anthems. Regular timeout song sa football at basketball games ang ‘Let’s Get Loud’ samantalang ang komposisyon ni Shakira na ‘Waka-Waka’ ay pumatok noong 2010 FIFA World Cup at iba pang global sports events pagkatapos.

“Muchas gracias,” ani Shakira habang palayo ang camera sa kanila.
“Thank you so much,” sundot ni J.Lo. (VE)