Shame campaign ng Comelec epektibo ba o ningas kugon lang?

For the Record by Aileen Taliping

Aileen Taliping

Dalawang buwan ng nagsimula ang kampanya para sa nakatakdang midterm elections pero hanggang ngayon ay wala pa ring nasasampulan ang Commission on Elections (Comelec) sa inilunsad nilang “shame campaign” laban sa mga kandidatong walang habas kung magpaskil ng kanilang campaign materials sa maling lugar.

Sa survey na ginawa ng isang radio station na nasa ilalim ng malaking network, halos lahat ng nagbigay ng opinyon ay naniniwalang walang epekto ang shame campaign ng Come­lec.

Una, kahit saan tumingin ngayon ay puro tarpaulins, billboards at iba pang campaign materials ang makikita sa mga hindi awtorisadong lugar na dapat paglag­yan nito.

Wala ring nakinig sa tamang sukat ng campaign posters alinsunod sa nakasaad sa Fair Electiond Act.

Kahit saan tumi­ngin ngayon ay tadtad ng campaign posters ng pagmumukha ng mga kandidato at pati nananahimik na puno ay pinapakuan mailagay lang ang poster ng politiko.

Bagama’t may paraan para maipaabot sa Comelec ang mga sumbong at reklamo, walang gumagawa o kung meron man ay mangilan-ngilan dahil wala pa namang nakikitang politiko na inaksiyunan ng Komisyon. Susme!

Ilang eleksiyon na yata ang nagdaan pero tila wala namang napaparusa­hang luma­bag sa batas pang-halalan.

Katulad na lamang ng mga kandidatong halos umabot yata ng bilyong piso ang nagastos sa nakaraang halalan ay wala namang naparusahan o kaya ay na-disqualify sa eleksiyon. Nakakatawa lang.

Ang hinihintay ngayon ng mga Pilipino, pati mga netizen ay sampolan ang mga kandidatong hindi sumusunod sa mga pa­nuntunan ng eleksiyon.

Huwag hayaang ang ibang ahensiya pa ang gagawa ng paraan para baklasin ang mga iligal na campaign posters, o kaya ay hintaying tubig-ulan ang lulusaw sa mga papel at polyetos na nakadikit sa mga pader at gate ng mga bahay bahay .

Maniniwala lamang ang nga Pilipino kung maipapakita ng Co­melec ang totoong pagbabago at hindi nababahag ang buntot sa mga naghahariang mga politiko sa bansa.

Hangga’t hindi pa sumasapit ang takdang araw ng eleksiyon, pagkakataon na ng Comelec na ipakitang may ngipin ang komisyon para patawan ng kaukulang aksiyon ang mga kandidatong hindi sumusunod sa mga patakaran sa eleksiyon.

Titino tiyak ang mga kandidato kapag naipakita ng Comelec na seryoso sila sa kampanya dahil ang gustong makita ng mga Pilipino ay ang tunay na pagbabago sa bansa, gaya ng sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte pag-upo nito sa puwesto.