Sharon binulabog sa ayuda

Sharon binulabog sa ayuda

Sa nakalulungkot na panahong tulad ng pinagdadaanan natin ngayon ay may mga tao pa ring walang patawad sa pambubulabog ng mga personalidad.

Hinahanapan sila ng butas, nasaan na raw ang kanilang mga milyones, habang nagdarahop daw ang mayorya ay buhay-mayaman pa rin sila.

Isa sa mga nililigalig ng mga bashers na hindi siguro naaapektuhan ng tawag ng panahon ngayon ay si Sharon Cuneta. Ano raw ba ang ginagawa ngayon ng Megastar?

Prenteng-prente lang ba siyang nakahiga sa kanyang malambot na kama at sige-sige lang sa pagpapasarap sa buhay?

Unang-una ay hindi obligasyon ni Sharon Cuneta ang pagbibigay ng pagkain sa mga nagugutom. Tumulong man siya ay kunsiderasyon ang tawag du’n.

At hindi bulag at bingi si Sharon, maraming beses na nating napatunayan na palaging bukas ang kanyang puso sa mga nangangailangan, hindi nga lang siya ang klase na ipagmamakaingay pa ang mga ginagawa niyang ayuda.

Sikat na sikat na siya para magpasikat pa, hindi siya pulitiko para magpapogi at umasa ng boto sa susunod na halalan, dikta ng kanyang puso at kunsensiya ang paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan.

Ayaw niyang ipasabi, pero hindi nakapagpigil ang isa pang may dakilang puso na si Angel Locsin, tatlong milyong piso ang ibinigay na donasyon ng Megastar sa pagpapagawa nito ng mga tents para sa mga kasalu-saludong frontliners.

Si Angel ang nasasaktan para kay Sharon, ito ang sumagot sa mga nangungunsensiya sa nananahimik lang na Megastar, hindi biro-birong halaga ang ipinangtulong ni Sharon sa mga dakila nating frontliners.

Kailangan pa ba kasing ipaglantaran sa buong mundo ang pagtulong? Dapat pa bang ipaalam sa publiko ang ginagawa ng ating mga kamay?

Ang tulong, sa anumang hugis at paraan, ay dapat lang nating pasalamatan.

COVID-19 ‘di forever makakasiping

Ito ang mga panahon na hindi natin dapat sukatin ang laki at liit ng tulong na tinatanggap natin. Sabi nga, aanhin natin ang milyon kung hindi naman natin kailangan, napakahalaga ng piso na sumakamay natin sa panahon ng indulto.

Naiintindihan namin ang emosyon ng ibang mga kababayan natin na talagang humihingi na ng saklolo ang bulsa ngayon. Wala pa kasing katiyakan kung hanggang kailan magtatagal ang lockdown.

Ang naitatabi nilang kaunting halaga ay said na said na, naghihingalo na ang kanilang kabuhayan, wala pa namang batas na tinitingnan ang pagkagutom.

Pero masakit makarinig ng mga salitang hindi hinihingi ng panahon, panay pintas sa mga lider ng kanilang komunidad ang lumulutang, kesyo binigyan lang daw sila ng dalawang sardinas, tatlong noodles at tatlong kilong bigas.

Sa isang panahong tulad nito ay matuto muna sana tayong magpasalamat bago mamintas. Ilang libong bibig ang kailangang maghati-hati sa isang komunidad bilang ayuda?

Kapag maigsi ang kumot ay matuto tayong mamaluktot. Kahit pa lumiit na nang lumiit ang kumot at maging lampin na lang ay kailangan pa rin nating magpasalamat sa mga biyayang tinatanggap natin.

Tama na muna ang pagrereklamo. Sa mapa ng mundo ay hindi lang naman ang Pilipinas ang dumadaan sa ganitong pagsasakripisyo.

Wala nang malaki at maliit na bansa ngayon, walang nang super power at third world, wala na ring mayaman at mahirap sa mata ng coronavirus.

Pantay-pantay na ang lahat ngayon sa pag-atake ng mikrobyong lumiligalig sa buong mundo. Huwag na nating bigyan ng stress ang ating mga sarili, pagkasyahin na lang muna kung ano ang nand’yan, tutal naman ay hindi natin panghabambuhay na makakasiping sa ating buhay ang COVID-19.