Biglaan at hindi planado ang pinag-uusapang duet nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion sa Gabay Guro event nu’ng Linggo sa MOA Arena.

Sabi ni Sharon kahapon sa mediacon ng “Iconic” concert nila Regine Velasquez, nagulat din sila dahil hindi raw talaga sila dapat kakanta together ni Gabby.

Ni hindi niya raw alam na nandu’n din sa nasabing event si Gabby. Tinanong daw nito ang isang kaibigan ng Megastar kung puwede itong kausapin at sinabi niyang times have passed by at okey na sila. So, nagkausap nga sila at wala namang problema.

Nandu’n din daw sa event na ‘yon for teachers ang mag-ex na sina Pops Fernandez at Martin Nivera, so naglolokohan sila roon.

Natuwa raw si Mega sa nakita niyang reaksyon ng mga tao at kung gaano ka-warm pa rin ang mga tao sa kanilang team up.

Aniya, hindi talaga nawawala ‘yung chemistry kahit magkahiwalay na sila ng buhay ni Gabby. Actually, naalala ni Shawie na kahapon pala dapat ay 35 years na silang mag-asawa (dahil wedding anniversary nila ang September 23).

“It was nice to show everyone na okey na kami, naayos na, hindi na kami magkagalit,” pakli ni Mega.

Hirit ng self-confessed Sharonian at die hard Sharon-Gabby fan na si Regine, may posibilidad bang magkaroon ng movie ang dalawa?

Sagot ni Shawie, “I can’t speak for him. Let’s just hope. If you’ll ask me, I’m open to it. I have no problem with it. I’m a professional actor.

“Based on last night’s reactions and the requests were getting on social media, I think it will be nice to work with him again.”

Bet namin ‘yung sagot ni Mega doon sa isyung gusto raw i-produce ni Kris Aquino ang Sharon-Gabby reunion movie.

“Napakarami na naming magpo-produce, huwag nang maraming sumali. Mas marami, mas magulo. Let’s see who’s going to win the bidding kung meron man.

“We don’t even know if there’s going to be a movie. Puwede namang kami na lang (ang mag-produce) if ever. So, bahala na. Bahala na si Lord.”

Nakakatuwa si Regine dahil nagpresinta ito na maggi-guest sa movie ng dalawa ‘pag natuloy. Kahit daw passersby lang. Masabi niya lang daw niya na nakasama siya sa movie nina Sharon-Gabby.

I will not allow showbiz to eat my person – Shawie

Nabanggit din ng 53-anyos na Megastar na ‘pag 55-anyos na siya, she’s considerably slowing down. Ito ‘yung sinasabi niya sa social media na plano niyang semi-retirement.

Magmu-movie pa rin daw siguro siya once in a while, pero hindi na ‘yung gaya dati.

She won’t be as active as before. Pipiliin na lang daw niya ang projects. Ang dahilan niya ay dahil drained na raw siya at masyado nang nagbago ang show business.

“I will not allow showbiz to eat my person. I will not allow it to change my soul,” seryosong sambit ni Sharon.

Samantala, dream din daw ni Shawie ang magkaroon ng pelikula with Regine, na aminadong idol talaga siya at hanggang ngayon ay nai-starstruck pa rin sa kanya.

Ani Mega, isang Sharonian at isang Reginian ang magsasama sa “Iconic” concert nila sa Araneta Coliseum sa October 18 & 19.

Ang dami raw nilang duets, na ayaw nilang i-announce para surprise. Basta, they will sing most of their songs at magpapalitan din sila ng kanta.

Si Rowell Santiago ang direktor ng “Iconic” concert ni Mega at ni Songbird, na ang most expensive na platinum tickets ay sold out na weeks ago pa.