Sharon housemate ni Kiko

NI: VINIA VIVAR

Naitanong kay Sharon Cuneta ang mister niyang si Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan na tinatawag niyang neighbor sa kanyang mga post.

“Tawag ko sa kanya, ‘goodnight, neighbor’ kasi katabi ko. Tapos, ang isinasagot niya, ‘love thy neighbor’ hahaha! Housemate ko siya,” sabi ni Shawie.

Nilinaw ng press kay Sharon ang “neighbor” at “housemate” na tawag niya sa asawa dahil baka ma-misinterpret na naman ng ibang mga tao.

“Hamu na sila, kung gusto nila i-interpret ng iba. Alam mo, people will believe what they want, so let them.

“Basta kami, magkasama pa kami, masaya naman ‘yung mga bata. Okay kami. Magtu-23 years na. So, okay kami,” aniya.

Weird ang karanasan

Dahil horror film nga ang “Kuwaresma”, aware si Sharon sa mga ibang kababalaghang nangyayari sa set kapag ganitong klaseng pelikula ang ginagawa. Nanonood pa raw siya ng mga documentaries ng mga totoong eerie experiences ng mga Holywood stars while doing horror film.

“So, ako, you know, I was raised naman as Catholic, in 1987, I became a Christian, but you know, I still honor, it’s the same God, we all honor the same God. So, nagdala ako for everybody on the set ng cross and St. Benedict and St. Michael The Archangel, pinamigay ko sa kanila kasi, maraming Katoliko na kasama.

“Pero ako, basta magdadasal kami. Me and ‘yung team ko, ‘yung aking talagang makeup artist, assistant, bago mag-shoot, everyday ‘yan, nagdadasal kami for protection,” aniya.

Pero she revealed na mayroon din siyang weird na karanasan sa set.
“Ang nahalata ko lang, meron akong isang eksena, siyempre, may evil forces obviously, sa eksena. Hindi ako buma-buckle, eh. Bihira ako mag-buckle. Ito pang parang hindi naman kahirapan ‘yung dialogue, nagba-buckle ako.

“Sabi ko, ‘sandali direk.’ Kasi kaya kinu-curse ang set ng horror movie sa pagkakaintindi ko, sa rami ng pinapanood kong pati behind the scenes and documentaries, sa YouTube ang dami niyan, even the backround of ‘The Exorcist’, everything is there, ayaw kasi ng demonyo na pinag-uusapan siya, kasi gusto niyang bolahin ang tao. His biggest lie is that he doesn’t exist para maraming magkasala.

“So, ‘pag mayroong ganito, ayaw niya ‘yan. So ako, ‘yun ang inaano ko, may proteksyon lahat, ayoko ng may aksidente, kasi ‘yung mga interviews ng mga napapanood ko, laging merong… parang sinusundan sila ng kung ano-ano, malas, ganu’n.”

Malaki ang ipinayat

Kapansin-pansin na ang laki na talaga ng ipinayat ngayon ni Sharon. Paano nga ba niya ito nagawa?

“I’m not jo­king, nalilimot ko kumain,” sey niya. “Or o-order ako (ng food), natatawa ‘yung yaya ko kasi, ‘yaya, I’m busog na.’ Pagdating niya, ‘ma’m, di n’yo ginalaw, inurong-urong n’yo lang.’ ‘Hindi naman, nag-bite naman ako mga dalawa-tatlo,’” sabay-tawa.

Hindi raw siya talaga nag-effort nang husto na mag-diet kungdi nawalan daw siya talaga ng cravings for food.

“I don’t really care about people think when I’m mataba. It just happens, it comes to me all of a sudden na ‘ayoko na, gusto ko nang magsuot ng damit na. . .’ ganu’n. It happened this year, medyo delayed siya. Pero it happened to me this year while shooting the movie. Mas gusto kong matulog kaysa kumain. Tapos after the movie, dire-diretso,” aniya.

Trono ni Kris ‘di aagawin

Sinabi ni direk Erik na puwedeng-puwede si Sharon na maging Horror Queen. Ano ang reaksyon ni Megastar dito?

“Oy, hindi. Walang queen-queen sa horror. Alam mo, lahat ng artista, may karapatang gumawa ng horror film and we all know that the one that made so many was Kris (Aquino), so walang agawan ng trono dito, ‘di ba?” sabi ni Mega.

Paano kung ipasa na ni Kris ang trono nitong Horror Queen sa kanya?
“Ay, walang ganu’n. Walang nagma-may-ari ng kahit anong genre, okay? ‘Pag artista ka, kakayanin mo lahat,” saad pa niya.

Masaya si Sharon na nauuso na naman ang horror films ngayon at sana raw ay suportahan ng mga tao ang lahat ng pelikulang Pilipino.

“Let’s support all the movies that we can, kung kaya namang panoorin, kung kaya n’yo namang panoorin lahat, why not, ‘di ba? Basta gawang Pilipino. There are some horror movies na nauuso na naman ngayon na gawang Pinoy.
That just means that the industry is growing, we’re never stopping and it’s good news for all of us, actors, and all workers in the movie industry,” pahayag pa ni Sharon.

Inunahang mag-swimsuit ng mga anak, nainis

Biniro nga si Sharon kung gusto ba niyang sabayan ang pagsu-swimsuit ng anak niyang si Frankie Pangilinan.

“Ah, actually, naiinis ako, inunahan nila ako,” ganting-biro ng aktres.

Ano ang reaksyon niya kapag nagpo-post ang mga anak niya na naka-swimsuit?

“Okay lang ‘yun, mga millennials ‘yang mga ‘yan. Wala naman akong problema sa kanila.”

Shawie nasagad sa horror

Sobrang thankful and honored si Megastar na inalok sa kanya ng Reality Entertainment ang pelikulang “Kuwaresma” na ipalalabas na sa May 15. Sa 41 years niya sa showbiz and with more than 50 movies na nagawa, it’s her first time to do horror films na matagal na raw niyang dream.

Ayon kay Shawie sa presscon ng “Kuwaresma”, wala pang 10 minutes nang i-offer sa kanya ang movie ay um-oo na siya agad.

“They came to my photoshoot for Selecta, kasi my calendar was really walang humpay, walang opening,” kuwento ni Sharon.

“I was humbled kasi pinuntahan pa nila ako do’n and si Kuya Dondon, medyo nakaka-intimidate nu’ng una. Kasi nakatrabaho ko na si direk (Erik) sa isang commercial nu’ng araw pa. Pero ‘yun lang naman, isang buong araw kaming magkasama. Masaya na ‘ko.

“But you all know, I’ve always wanted to do a horror movie, I’ve been waiting to for many years at laging merong hinahanda ang Viva (Films), hindi natutuloy. May hinahanda kami ng Star (Cinema), hindi rin natutuloy.

“You know they just came, kinuwento ni direk, nag-usap kami and mahaba na ‘yung 15 minutes, wala na, I was in. ‘I’m in,’ sabi ko. So, I got my schedule right away, nandu’n. And after that, wala pang one month yata, nagsu-shoot na kami.”

Habang ginagawa nila ang pelikula, ani Sharon ay sobrang na-enjoy niya ito dahil for one, happy set ito kahit pa sabihing horror ang ginagawa nila. Si direk Erik daw ay laging nagpapatawa at sobrang efficient daw lahat ng mga staff ng Reality.

“From beginning to end, although it was one of the most – I’ve done what, 56-57 movies – it was one of the most physically, mentally and emotionally draining experiences I’ve ever had (or) the movies I’ve ever done, but it was such a happy set,” paglalarawan ni Sharon.

First time rin daw niyang nakasama si John Arcilla na napakagaling daw na aktor. First shooting day daw nila ay nakatalikod siya at hindi raw niya nakikita ang aktor. Pero boses pa lang daw ang narinig niya ay galing na galing na siya rito.

Pinapanood rin daw nila sa bahay ang “FPJ’s Ang Probinsyano” kung saan isa sa cast si John kaya pati ang asawa niyang si Sen. Pangilinan ay kilala ang aktor.

Ngayong natupad na ang dream niya, ang isa pa raw niyang pangarap ay gumawa ng horror film with direk Chito Roño.