ROMMEL PLACENTE: Noong dekada 80 ay sina Maricel Soriano at Sharon Cuneta ang pinakasikat na mga young star. Si Maricel ang reyna ng Regal, while si Sharon naman ang reyna ng Viva. Halos lahat ng pelikulang pinagbidahan nila noon ay kumita sa takilya. Silang dalawa ang pinagtatapat. Sila ang magkalaban sa popularity. Pero kahit magkaiba ng movie outfit, at magkalaban nga sa popularity, marami pa rin ang umaasam na magsama sila sa isang pelikula noon. Sure hit daw ‘yun sa takil­ya pag nangyari dahil pareho silang sikat.

At sana raw ay sa isang drama movie sila magsama para magkaalaman kung sino talaga ang mas maga­ling umarte sa kanila. Kung sino ang mas aangat ang akting. Pero hindi ‘yun nangyari.

Hanggang ngayon na nagkaedad na sila, ay wala pa rin silang nagagawang movie toge­ther. Marami pa rin ang umaasa na magsama sila sa pelikula. Bago man lang daw sana sila mag-quit sa showbiz ay makagawa na sila ng pelikula Parehong gumagawa ng pelikula sina Maricel at Sharon sa Star Cinema. Bakit kaya hindi maisip ng nasabing movie outfit na igawa sila ng pelikula? Sa tingin namin, kahit sinasabi ng iba na hindi na sikat ang dala­wa ay kikita pa rin ang kanilang pelikulang pagsasamahan. Nandiyan pa rin naman ang kanilang mga tagahanga na sumusuporta sa kanila mula noon hanggan ngayon. At marami pa rin talaga ang sabik na makita na umaarte together sa wide screen ang Diamond Star at Megastar. ‘Di ba mga ka- Cuatros?

MILDRED BACUD: Hindi naman imposible na magsama ang dala­wa sa pelikula friend Rommel. Pareho na silang nasa Kapamilya network. Ang tanong lang kung gusto nilang makatrabaho ang isa’t isa?

Issue din kasi sa artista kung sino ang makakasama nila sa movie.­ But as for me, dapat na ngang magsama sila habang pareho pa silang aktibo sa showbiz at para mabura na rin ang thinking ng iba na ayaw nilang katrabaho ang isa’t isa.

Kung kikita? Depende na rin sa mater­yal at sa husay ng direktor. Unpredictable na rin kasi kung ano ang kikitang movie sa takil­ya but more of maghi-hit naman. Ang magi­ging isyu lang ay billing. Sino nga ang dapat mauna sa kanila?

RODEL FERNANDO: Maganda ‘yan pag natuloy kasi magsasama ang dalawang malaking bituin ng pelikulang Pili­pino. Siyempre number 2 lang ang dalawang ‘yan kina Nora Aunor at Vilma Santos.

Pero in fairness kina Maricel at Sharon ay sumikat talaga sila at namayagpag sa Dekada 80 na mga tunay na artista. Sayang nga lang, at hindi pa sila nagkasama sa pelikula.

Kung matuloy man o may makaisip na gawan sila ng project together ay magiging malaking balita ‘yan sa industriya. Kung pelikula man iyan ay siguradong kikita naman lalo na kung sasamahan ng mga po­pular na mga young stars ngayon.
Kung billing naman ang pag-uusapan, hindi naman sila ang siguradong mamumroblema kundi ang kanilang mga talent manager.

Pero hindi ba si Maricel wala na yata sa isip niya ‘yang mga ganyan? Mauna siya sa billing o hindi okey na sa kanya kasi tumanggap na nga siya ng supporting roles gaya ng pelikula ni Vice Ganda at ni Solenn Heusaff.

Ewan ko lang kung maarte ang bagong team na nagma-manage ng kanyang career. Kay Sharon naman, nararam­daman kong hindi papayag ang kampo niya na mauna sa billing si Maricel.

Well, kahit sabihing hindi na katulad ng dati ang po­pularidad nila ay nananatili pa rin ang katotohanang napakalaki ng kanilang kontribusyon sa ilang dekada na nila sa Pinoy aliwan.

RONALINE AVE­CILLA: Sa tingin ko ay hindi ito masyadong papatok sa mga millennial­ kung sakaling pagsamahin sila. Hindi naman kasi nila naabutan ang panahon ng kasikatan nila. Bukod pa diyan ay iba na kasi ang taste ng kabataan ngayon.

Pero sa kabilang banda, tatangkilikin pa rin ito dahil maraming fan ng Megastar at Diamond Star. Nandiyan pa rin ang mga nanay, tatay, tito, tita na gusto sila. Nagti-trending nga tuwing nagto-throwback si Mega sa mga dati niyang loveteam.

Ang tanong lang, kayanin ba ang TF nina Sharon at Maricel para sa isang pelikula? Si­guradong mahal pa rin ang dalawang ‘yan, huh!