Sharon may bagong kuda kay Gabby

Desperada na ba siya o sadyang nagpapapansin? Iyan ang question of the moment na biglang bumalaga sa aming utak matapos mabasa ang isang kuda ni Sharon Cuneta sa kanyang social media site.

Ang pinag-ugatan nito, may larawan si Sharon na ibinahagi kung saan magkasama sila ni KC na nagkaa­rawan kamakailan. Nangyari ang posting bago ang birthday ng kanyang April-born first born.

Parang may parunggit lang ang “most everything else from Ma,” huh!
May isang katkatera ang tinanong si Cuneta kung ayos na sila ni Gabby Concepcion.

Hindi namin talaga maubos maisip kung bakit ‘pag si Gabriel ang subject matter, parang laging polar opposites ang Megastar.

Sa una, may emote na “Pa’s perfectly handsome face” tapos sa huli, “hayaan na natin, buti na ganito.”

Ate Shawie, kung gusto mo talaga na mabuti na ganito, ‘wag na magkomento ng kahit na ano tungkol sa ex-husband na si Concepcion.

Oo, hindi naman puwedeng burahin ang katotohanan na tala­gang hindi magiging Kristina Cassandra ang iyong anak without him kaya marapat lang na anything and everything that has to do sa minsan ay minahal mo talaga, tahimik ka na lang.

Si Gabby nga, since hindi natuloy ang inyong naunsyaming tambalan, did the most gentleman thing, he zipped it. No talks. No mistakes tuloy siya.

Ang dami mo ring kuda at hanash about the “closure” na dapat deserved ng mga Sharon-Gabby fanatic, na sure na sure ang diva that you love na halos lahat sila may closure na talaga. Parang ikaw na lang yata ang wala kaya nga patuloy pa rin ang mga pagsundot mo sa isang nakalipas na ‘di dapat
balikan.

Mas mainam na ang iyong pagkaabalahan, ang iyong out of the country shows. Ang iyong impossible dream na maging svelte. Ang paggawa ng mga album featuring new songs. Ang promo para sa “Kuwaresma” na marami ang excited kasi nga first horror movie.

Dapat itigil na putakan about Gabby. Dapat, ‘pag may nagtanong about him, no more reaction. Kinaganda mo ba ang pag-amin na mas mabuti pang hindi kayo nagkakaayos? Mas pumanatag ba ang kalooban mo na talagang hindi na maayos ang inyong gusot at lukot?

Speaking of KC, heartfelt ang birthday post ni Sharon para sa pa­nganay niyang anak, “To my beautiful, beautiful baby #1, who, no matter how many other babies I have been blessed to have, will always own the distinction of being the very first human being who completed my existence, made me feel the bliss of being a mother, and gave me reason to live, especially through the toughest times of my life. You are in my heart of hearts and always will be my baby, no matter how big and old you get! I love you with all my heart and cannot express in mere words just how very proud I am of you.”
***

Morenang Darna wala sa Star Magic

Kung susundin natin ang lambing ni international musical theater star Lea Salonga na dapat brown is beautiful at dapat baguhan ang susunod na “Darna,” massive audition hunt ang kailangang gawin.

Ang showbizlandia ay populated at puwede na ring polluted of stars na karamihan ay fair-skinned. Ang mga mapuputing ito, puwedeng natural na tisay, pinanganak silang maputi na talaga o dahil sa siyensya, thank you so much sa glutathione drip, medication, soap, lotion and sun block kaya nakakasilaw ang kanilang pagiging maputi. Luminous na nga ‘yung iba. Ang iilan naman, European pale ang eme.

Sa true lang, ang kayumanggi o morena sa showbiz na hindi naman baguhan ay wala pa yata sa sampu. Ang mga perfect example na puwede mong sabihin na bongga ang pagiging primera klase ay sina Kathryn Bernardo, Nadine Lustre, Winwyn Marquez at Lovi Poe.

Ang mga next in line brown is beautiful ladies, hindi mo masasabing sikat pero hindi na rin naman starlet, ay sina Sanya Lopez, Maxine Medina, Rochelle Pangilinan, Ana Luna at Elora Espano.

Ang mga star manufacturer, mas preferred na mapuputi ang mga ginagawang artista, mula starlet hanggang major, major actresses at kung bakit ganu’n ang kanilang preference, ang makakasagot diyan ay ang katotohanan na ang mga skin whitening products na available sa merkado, mataas ang demand at marami ang tumatangkilik.

Bukas na aklat at kasaysayan naman na bukod tanging si Nora Aunor ang sumira sa tisay preference. Si Aunor ay naging Superstar, ngayon ay buhay na alamat at People’s National Artist.

Ang sumunod sa kanya, ang forever imprinted sa kamalayan at kalibugan, especially of the Generation X hombres na panalong babaeng kayumanggi ay ang Playboy bunny of yore na si Tetchie Agbayani, isama na rin natin ang Sabado night girl at hot momma na si Ina Raymundo at sa kasalukuyan, ang glorious na si Angel Aquino.

Of course, ang first Filipina Ms. Universe Gloria Diaz, ay isa pa ring panalong halimbawa na ang pagiging kayumanggi ay talaga namang a­ngat na angat sa iba.

Maliban sa mga artistang babaeng aking binanggit, hindi ba kataka-taka nga at nakakahibang na walang dalagang marikit, maalindog at kayumangging kaligatan ang skin tone na sumikat at naging belong na belong sa superstar territory?

Mainam at nasa hulog ang suhestiyon ni Ms. Salonga. Nawa’y ang mga nagrereynang uri sa Star Cinema, kasahan ang audition search na ito. Maaaring ang Darnang kanilang hinahanap, wala pa sa loob ng Star Magic Kingdom.