Kung si Lady Gaga ay nahulog sa stage habang nagsu-show sa Las Vegas matapos nitong sakyan at kabayuhin ang isang male fan, si Sharon Cuneta ay nagkaroon din ng stage mishap sa second night ng “Iconic” concert nila ni Regine Velasquez sa Araneta Coliseum.

Buti na lang ay minor lang ang nangyari at hindi nasaktan ang Megastar. Pag-exit ng guest nilang sina Zephanie Dimaranan at Jeremy Glinoga na eentra pabalik ng stage sina Mega at Songbird naganap ang insidente.

Biglang may tumunog na parang nahulog na mikropono, ‘yun pala ay nadulas si Ms. Shawie, kaya umakyat ang isang stage crew para alalayan siyang maglakad sa staircase.

“Madulas talaga, sorry. Ang galing ko, kaya n’yo ‘yon?” hirit ni Mega habang inaangat ang laylayan ng gown niya, na mukhang dahilan ng kanyang pagkatisod.

“Are you okay?” tanong ni Regine, na nasa kabilang side ng entablado.

“I’m very fine, thank you. I’m just so embarrassed and humiliated. But I’m okay. I’ll do it again,” sagot ni Mega, na ikinaaliw ng audience.

“Hindi, kasali ‘yon, ‘no! Huwag kayong ano diyan,” hirit ni Songbird sa mga nasa Big Dome.

Umakyat ulit sa may taas ng hagdan si Sharon at muling lumakad pababa na tila nagmo-modeling at pa-pose-pose pa. Ka-birthday daw niya si Catriona Gray, na mukhang ginaya niya sa kanyang pagrampa.

Nag-duet sila ni Reg ng “Araw Gabi” na ang bilis niyang binago ang lyrics at ginawang “Para akong siraulo, natisod pa ako,” kaya tawanan ang crowd.

In fairness ay ang ganda ng duet nila, na bago nag-segue sa next song na “Tuwing Umuulan” ay nagdayalog si Mega ng, “Please excuse my falling down, but don’t worry because you see this (sabay touch sa kanyang behind), it was a very good cushion.”

Ang lakas ng tawa ni Songbird, na napa-“Wooohhh!” habang nagpapalit sila ng puwesto sa stage.

“Ta-try bumawi, Nana,” nakangiting sey ni Shawie kay Reg, na ‘Nana’ ang tawag niya mula sa dati nitong name na Chona Velasquez.

“Diyan ka muna sa leading man mo,” sabi ni Mega kay Songbird, dahil nasa side na ‘yon nakaupo si Robin Padilla na leading man ni Regine sa “Kailangan Ko’y Ikaw” (2000) kung sana ginamit din sa soundtrack ang “Tuwing Umuulan”.

Nu’ng unang gabi ay nanood din si Robin. Panay ang banggit ni Shawie kay Binoe, na ikinatuwa niya dahil bati na raw sila.

“Parang may theory ako kaya ako nahulog,” hirit ni Mega, tapos ay pinakanta niya ulit si Reg ng, “Araw Gabi,” pero binagalan ang word na ‘Gabi’ (as in Gabby Concepcion).

“Bati na. Natisod ako. Pero okey na kami, peace na,” pakli ni Mega.

“May iniisip pala…” reak ni Songbird.

“Wala akong iniisip. Iniisip niya ako,” mabilis na sagot ni Shawie, na ikinatuwa ng audience.

“Tama!” pagsang-ayon ni Regine.

“Joke lang, joke lang! Anak, ha? Huwag mo akong itsika,” sambit ni Mega sa anak nila ni Gabby na si KC Concepcion, na nandu’n sa may harapan at nanood nu’ng second night.

Isa lang ‘yon sa masasayang banter ng dalawang iconic singers, na ang ganda ng blending ng mga boses at hindi nagsapawan o nagpatalbugan sa kanilang first back-to-back concert together na “Iconic”.

Atong Ang pipiyok sa Barretto scandal

Dahil sa ongoing saga ng pamilya Barretto ay lalong nami-miss ng mga taga-showbiz ang showbiz talk show na “The Buzz.”

Inaabangan ngayon kung saan magsasalita si Marjorie Barretto, na bongga sanang busisiin kung meron pang “The Buzz” ni Tito Boy Abunda.

Base sa mga post ni Gretchen ay magbibigay din daw ng side niya si Atong Ang, na nadawit sa isyu dahil naging karelasyon pala ito ng pamangkin ni Greta na si Nicole, na sinabunutan nito sa burol.

Ayon kay Marjorie ay boyfriend umano ni Gretchen si Atong Ang, na ang rebelasyon ni Nicole ay inagaw sa kanya noon ng tiyahin niyang si Greta.

Totoo kayang magsasalita si Atong, na ang guwapo-guwapo ng image ngayon dahil pinag-agawan umano siya ng mga Barretto? At saan kaya siya magsasalita if ever?

‘Sabagay, nandiyan ang social media na most convenient venue para sa mga gustong magsalita at maglabas ng statement sa anumang issue. Social media actually ang pumatay sa mga showbiz talk show gaya ng “The Buzz” dahil direkta nang nasasagot ng mga artista ang mga isyu at kontrobersiya sa kanila using their own social media accounts.

Kung totoo ngang magsasalita si Atong, aminin kaya nito na nagkaroon din sila ng ugnayan noon ni Claudine Barretto? Ang sabi-sabi kasi ay si Claudine muna ang nauna bago si Nicole at panghuli si Gretchen.

Kalerky! Tatlong Barretto ang nali-link kay Atong Ang, to think na ang sabi ni Greta ay happily married si Atong.

Nabanggit din ni Gretchen na ia-address ng kanyang Dada, tawag niya sa partner niyang si Tony Boy Cojuangco ang isyu ng pananakit niya raw kay Nicole. We doubt kung totoo ngang magsasalita ang napaka-private na si Mr. Cojuangco, pero exciting itong panoorin kung sakali!

PAK!!

Jeric pumatol sa matanda

Finally ay dumating na ang big break ni Jeric Gonzales, na bidang-bida na at pinag-aagawan ng mga babae sa bagong Kapuso afternoon soap na “Magkaagaw.”

Asawa ni Jeric si Klea Pineda sa istorya, tapos ay magkaka-affair sila ng mas matanda sa kanya na si Sheryl Cruz na kumu-cougar ang peg.

Bongga ang mga laplapan at intimate scenes nila ni Sheryl, na aminado si Jeric na kinabahan siya, buti na lang ay nakapag-sensuality workshop muna sila bago nagsimulang mag-taping, so komportable na siya kay She at mas confident na siyang gawin ang maseselang eksena.

Palaban na ang 27-anyos na si Jeric, na mas pinapaganda pa ang katawan niya ngayon kaya handa siya sa mga hubaran.

Anytime ay lalabas na pala ang sexy Bench Body shoot ni Jeric na naka-underwear lang siya. Keri raw ni Jeric magpaka-Marco Gumabao kung ganu’ng image din ang ibibigay sa kanya ng GMA.

Ngayong hapon na ang simula ng “Magkaagaw” pagkatapos ng “Eat Bulaga.”