Punom-puno ang Araneta Coliseum sa “Iconic” concert nina Sharon Cuneta at Regine Velasquez nu’ng unang gabi, October 18.

Umpisa pa lang ng concert ay sinisipon at umiiyak na ang Megastar. Nagiging emosyonal siya sa mga kinakanta nila.

Bagama’t hindi niya binanggit ang pangalan ni Gabby Concepcion, marami ang humuhula na ito ang binabanggit niya na posibleng matuloy na ang pagsasama nila sa pelikula.

Tumanggap ng standing ovation sina Sharon at Regine nang kantahin nila ang “Sana’y Wala Nang Wakas” at “Narito Ako.”

Hindi rin nanapaw si Regine kahit biritera siya. Mas tinataasan niya ang boses niya ‘pag solo na siyang kumakanta. Panalo ang kanta niyang “Nasaan” at “Dadalhin”.

Rebelasyon din at maganda ang version ni Ate Shawie nang awitin niya ang Buwan.

Nagtawanan ang mga tao sa dialogue ni Regine kay Sharon na “Ate, aminin mo lahat ng leading men.”

“Hindi tatlo lang, kasama pala si direk (Rowell Santiago),” sagot ni Sharon.

Ang tatlong tinutukoy ni Mega ay sina Gabby Concepcion, Richard Gomez at Robin Padilla.

Nanood din sa concert sina Vice Ganda, Anne Curtis, Gary Valenciano, Ara Mina, Ogie Alcasid, Erik Santos, at Angeline Quinto. (RFC)