Shawie wala sa tono – Angelica

Grabe sa tripping ang tabachingching princess Angelica Panganiban sa isang bidyo, huh! Ang babaeng may karapatan talagang magdabog ang bangs, may pakwela habang sila ni Megastar Sharon Cuneta ay nagsasabayang awit.

Kinakanta nila ang David Pomeranz iconic hit na “Got To Believe In Magic.” Kitang-kita na aliw na aliw ang on and off si Cuneta dahil may drama pa silang kunyari nagvo-vocal blending at calisthenics at ang Megastar, masuyo pang hinahaplos at inaayos ang pangmalakasang bangs ni Panganiban.

Ang payanig ni Angelica sa kanilang duet, na walang halong pag-iimbot at buong katapatan niyang sinambit sa nanay ni Kristina Cassandra, “Wala ka sa tono, Ate Shawie.”

Na siyempre pa, naghalakhakan silang dalawa matapos ang pang-aalaska ni Panganiban sa multi-awarded singer at concert artist.

Sharon showed na she was a great sport. Kung ibang mang-aawit ‘yun na hindi pa secure sa kanyang talento, lugar at pamana sa lahat bilang isang mang-aawit, nakakasakit sa damdamin ang biro ni Panganiban.

Pero hindi ang ating Megastar, she knows a joke when it is meant as a joke at alam niya kung may panglilibak na ibinabato sa kanya. Alam naman nating may respeto si Panganiban kay Cuneta kaya huwag naman sanang magwala-walaan agad ang ibang Sharonian kapag kanilang pinanood ang bidyo.

Sa malapit na hinaharap, ano nga kaya kung pagsamahin ang dalawa sa isang comedy film? Parang kuwela ‘yun, hindi ba naman? Pasok na pasok silang maging mother at daughter. Huwag na i-push na dapat mag-ate lamang dahil sobrang stretched na nu’n ang ating disbelief, huh! Mas appropriate na mag-nanay ang dalawa.

Manalig tayo at manawagan sa mga Pulis Pangkalawakan at buong fuerza ng Sansinukob na may magsusugal na pagsasamahin sina Sharon Cuneta at Angelica Panganiban sa isang pelikula. Huwag sa telebisyon. Ang dalawang mahuhusay na aktres na ito, dapat sa pinilakang-tabing pinagsasama.

Angeline ayaw patulan ang patutsada ng ‘Popsters’

May isa palang nagmamasid sa kakaibang pag-uugali ng Popsters, ito ang tawag sa mga panatiko at supporters ni Sarah Geronimo.

Matapos ang kanilang mga patutsada at maanghang na posting na kanilang ipinukol kina Regine Velasquez-Alcasid at Cacai Velasquez-Mitra, ang tagapagmasid, hindi napigilang ibunghalit na dati pala, si Angeline Quinto ang na-bash nila. Galit, poot at suklam din ang kanilang ibinato at you guess it right, dahil naman sa maling akala at mga malisyong pag-iisip.

Kesa palalain pa ang mga kaganapan at maungkat pa ang tinuldukan, si Quinto ay may agarang reaksyon sa tagapagmasid sa Twitter. “Tapos na yun. Palagi na lang tayo dun sa tama. Yung walang masasaktan. Ayos?” na may kasama pang mga heart/love emoticon.

Palakpakan na may kasamang sigawan para kay Angeline. Kapuri-puri ang kanyang reaksyon at ipinakita niya sa lahat na mahusay siya sa mabuting asal at tamang pag-uugali.

Hindi sawsawera. Walang ambisyong maging patola prinsesa. Higit sa lahat wala siyang kaisipang at pagkataong starlet na may kuda at hanash sa lahat ng mga bagay-bagay para lamang mapag-usapan.

Ang ganyang pag-uugali, dapat tularan at ipangalandakan. Alam na alam na ni Angeline Quinto kung anong trono ang kanyang kinauupuan at inookapa sa showbizlandia.

Kokoy, Jomari, Rex panalo ang paggiling

Habang tinitipa ko ang aking pitak, ang bidyong pinagbibidahan nina Kokoy De Santos, Jomari Angeles at Rex Lantano, kung saan ang “Tala” ni Sarah Geronimo ay kanilang sinayawan, eh may 20K na ang views, 532 shares at 165 comments, iba rin, huh!

Ang tatlong binata, ang kulit sa bidyo at may iba’t ibang degree of sexiness na ipinapakita lalo na nga’t short shorts ang kanilang mga suot, displayed ang kanilang thighs at legs at ang mga paggiling at pagbuka-bukaka, wagas na wagas.