May tsansa pang sumampa sa Final Four ang Jose Rizal University matapos silang akbayan ni Shola Alvarez upang pasabugin ang Letran College 22-25, 28-26, 25-17, 25-16, kahapon sa 93rd NCAA women’s indoor volleyball tournament sa Filoil Arena, San Juan City.

Naghasik sa opensa si power-spiking Alvarez matapos itarak ang season-high 30 points upang isalo ang Lady Bombers sa fourth place kasama ang San Sebastian college na may tig 5-3 records.

Lalong lalakas ang tsansa ng JRU kapag tinalo nila ang laglag ng Lyceum of the Philippines University.

Matamlay ang simula ng Lady Bombers, subalit matapos matisod sa unang set ay biglang bumangis si Alvarez para harurutin ang tatlong sunod na frames at sikwatin ang panalo.

Tumikada rin si rookie recruit Dolly Grace Versoza ng 17 hits.

Nalampasan ni Alvarez ang tinipang 28 points sa panalo nila kontra Baste, 27-25, 25-23, 22-25, 16-25, 15-12, noong Jan. 8.

Sa men’s action, pinayuko ng Emilio Aguinaldo College ang LPU Pirates, 25-20, 25-18, 20-25, 25-19, upang ilista ang 4-4 card.(Elech Dawa)