Shooters tutudla ng Olympic slot

SHOOTERS TUTUDLA NG OLYMPIC SLOT

Tutok ang atensyon ng national shooting team sa Asian Shooting Championships Nobyembre 2-11 sa Doha, Qatar sa misyong makasungkit ng puwesto para sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.

Ang Asian shootfest ang huling qualifying meet na para sa kontinenteng nabanggit na tinakda ng International Olympic Committee (IOC) para sa 2020 Tokyo Olympic Games.

Ang tatlong mangungunang atleta sa bawat disiplinang shotgun, rifle at pistol events ang makakakuha ng quota places o awtomatikong magku-qualify para sa 2020 Tokyo Olympics.

Umaasa si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez na makakamedalya ang mga shooter at madagdagan ang mga makakalaro sa Tokyo Games.

“We now have two Olympians in Tokyo, but we need more. That is why the PSC is supportive of all these exposures and competitions so that our athletes get big chances at making it to the ultimate competition of their careers — the Olympics,” punto ni Ramirez.

Naka-silver medal si shotgun shooter Hagen Topacio dalawang taon na ang nakalipas sa ASC men’s individual trap sa Kuwait, na isa ring Olympic qualifying event para sa 2019 Rio de Janeiro Olympic.

Pero sorpresang binawi ng IOC ang pagkilala tapos tumanggi ang mga organizer na isali at makapasok ang isang Israeli technical official sa Kuwait shootfest.

Hangad naman ni Topacio na maulit ang silver-finish upang makapag-Tokyo Olympics.

Ang iba pang miyembro ng men’s trap team ay sina Eric Ang, Carlos Carag at Jethro Dionisio.

Asam din nina Jeson Valdez at Amparo Acuna na maka-podium sa mixed rifle event na binyagan pa lang sa Tokyo Games.

Ang iba pang puputok ASC Doha ay sina Dennis Basila at Sean Ocampo sa rifle, Michael Angelo Fernandez, Marcelo Gonzales, Shanin Gonzalez at Juliet Arellano sa pistol events.

Tangka ng PH team na maiuwi ang ginto sa shotgun trap event, mixed rifle event, bench rest light varmint, heavy varmint, metallic silhouette pistol at rifle events.

Sumailalim din ang koponan sa ilang training at exposures pa sa Italy at iba pang parte ng Europe sa buong suporta ng PSC. (Lito Oredo)