Tumambad ang mga baril, shabu at drug para­phernalia sa dalawang pusher na bumalagta sa engkuwentro sa pagitan ng mga pulis sa Blk. 11, Lot 6, AGL Subdivison, Brgy. Caalibangbangan, Cabanatuan City noong Sabado ng hapon.

Sa ulat ni P/Supt. Ponciano Zafra sa tanggapan ni P/Sr. Supt. Antonio Yarra, NE police director, nakilala ang mga napatay na sina Eduardo Madrid de la Vega, 55, residente ng Brgy. San Cristobal, Licab, Nueva Ecija at Michael Espidol Gravidez, 38, residente ng Brgy. Bantug Norte sa ng nasabing lungsod.

Nabatid na alas-dos ng hapon noong isagawa nang pinagsanib na puwersa ng Police Drug Enforcement Unit ng NE Police Provincial Office at Cabanatuan City Police Special Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation.

Biglang bumunot ng baril ang mga napatay noong matunugan na pulis ang kanilang katran­saksiyon na humantong sa kanilang kamatayan.

Nakuha mula kay Dela Vega ang isang kalibre .45, na may isang bala sa magazine, isang kalibre .357 na may 4 na bala at P2,000 marked money; at mula kay Gravidez ay tatlong digital weighing scale, mga drug paraphernalia, apat na heat-sealed transparent plastic sachet at mga basyong bala.