Showbiz couple madalas pag-awayan ang pera

Madalas ang pag-aaway ngayon ng showbiz couple dahil sa pera.

Sa ngayon kasi, si lalaki lang ang medyo may trabaho pero so so lang naman siya sa isang palabas na kanyang kinabibilangan. Kahit na mawala siya sa isang episode, hindi siya hahanapin.

Siyempre, very minimal lang ang income ni aktor kaya kakaunti lang din ang naiabot nito sa misis niya.

At kapag nagrereklamo na ang aktres sa liit ng perang iniabot ni mister, doon na nagsisimula ang kanilang awayan.

At ang madalas na nasisisi ay si aktres.
Ito kasi raw ang may gusto na kailangang bonggang-bongga ang kanilang kasal. Na kailangang magiging wedding of the year ito . Natupad naman kaya lang , halos lahat ng naipon ni aktor ay naubos sa kanilang paglagay nila sa tahimik.

Konti na rin ang pera ni aktres dahil nga tumulong din ito para matupad ang kanyang hiling na magiging fairy tale ang kanilang kasal.

“Reklamo ka nang reklamo ngayon samantalang ikaw ang dahilan kung bakit parehong naubos ang ipon natin noon dahil sa kagustuhan mong magiging bongga ang kasal natin.

Ngayon, pakakainin ba tayo ng bonggang wedding na iyon ? Magtiis ka.
Pagdamutan mo kung ano man ang maiabot kong pera sa iyo,” madalas na litanya ng aktor sa asawa. (Timmy Basil)