Nagsalita na ang ilang prominenteng talent manager kaugnay sa kalagayan ng showbiz industry na isa sa pangunahing tinamaan ng pandemya.
Ayon sa talent manager na si Lolit Solis, hindi dapat itsa-puwera ang mga taga-showbiz ng gobyerno sa ginagawa nilang pagtulong.
“Dapat talagang tulungan (showbiz) dahil isa sa pinakamalaki magbayad ng tax mga taga showbiz , “ giit ni Solis nang hingan ng reaksyon ng Abante.
“Ngayon nila kailangan ang tulong. Isama rin ang mga showbiz writers . Dapat bigyan din ng financial assistance now , plus iyon staff and crew na affected ng coronavirus crisis.
Kasama sa mga talent ni Manay Lolit ay sina Lorna Tolentino, mag-asawang Glydel Mercado at Tonton Gutierrez, Boyet de Leon, Mark Herras at Amy Austria.
Suportado rin ni Leo Dominguez, talent manager ng mga celebrities na sina Ogie Alcasid, Paulo Avelino, Lovi Poe, Solenn, Janine Gutierrez ang panawagang ayudahan ang mga apektadong indibidwal sa film industry.
Giit ni Dominguez, walang pinagkaiba ang mga taga-showbiz, artista man, staff o mga crew sa mga taong binibigyan ng tulong ng pamahalaan dahil nawalan ng trabaho kaya dapat lahat tulungan.
Maging ang komedyanteng si Pokwang ay may apela para makabangon ang kinabibilangang industriya.
Hiningan ng reaksyon ng Abante si Pokwang kung ano ang posisyon niya sa isinusulong na pagkakaloob ng stimulus package sa film industry.
“Pabor ako sa lahat ng bagay na makakatulong sa mga nawalan ng hanapbuhay. Pero di ako pabor na balik shooting or taping tapos lock-in kami sa isang place ng 1 to 2 weeks kasi wala akong yaya kawawa anak ko,” sabi ni Pokwang.
Sakali man aniyang buksan ang mga sinehan hindi pa rin ito kikita.
“Wala pang tao papasok sa sinehan para manood ng sine at kahit magbukas na yan takot pa nga tao manood baka mahawa pa ng virus, pinakamahalaga talaga dapat may vaccine na para may panglaban na tayo,” pahayag pa ni Pokwang.
Nauna rito ay umapela ang Directors’ Guild of the Philippines, Inc. (DGPI) sa Senado na maisama ang film workers sa `stimulus bill’ na magbebenepisyo sa mga sector na lubhang naapektuhan ng COVID19 pandemic.
Ang apela ay pinangunahan ni filmmaker Carlos Siguion-Reyna ,kinatawan ng DGPI sa ginanap na virtual hearing ng Senate Committee on Finance sa hakbang na lumikha ng `stimulus package para sa small and medium enterprises.’
Sa kanyang speech ,iginiit ni Siguion-Reyna na maibibilang ang film at television industries sa `small to medium scale business and enterprises category’ para makatanggap ng ayuda ang mga nawalan ng trabaho.
Kasama umano ang showbiz industry sa lubhang naapektuhan sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine(ECQ).
“Cinema and TV now greatly need substantial government aid to survive, to contribute to nation-building economically, culturally, and to maintain and remind our own hearts and minds of our Filipino identity,” ayon kay Siguion-Reyna .
Ipinaliwanag rin ng direktor ang kahalagahan ng kanilang sector. (Juliet de Loza-Cudia