Bagama’t wala pang inilalantad na pagkakilanlan ng mga showbiz personalities na dawit sa iligal na droga, kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na patuloy na nadadagdagan ang listahan ng mga celebrities na sangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Ito ang inihayag ni NCRPO Director Chief Supt. Oscar Albayalde, umaabot na sa 54 mula sa dating 50 ang pangalan na sangkot sa iligal na droga base sa pagbubunyag nina Sabrina M at Krista Miller sa mga iba pang artista ang kanilang katransaksiyon.

Gayunman, inamin naman ni Albayalde na wala sa kanilang listahan si Mark Anthony Fernandez na nahuli sa Pampanga dahil sa isang kilo ng marijuana.

Samantala, hiniling ni Albayalde sa mga showbiz personalities na sakaling sumailalim ang mga ito sa drug test ay dapat isagawa ito sa harap nila.

Paglilinaw ni Albayalde na hindi maaaring kanya-kanyang drug test ang mga artista na wala namang kaharap na pulis o hindi isinagawa sa PNP Crime Laboratory.

One Response