Nasa malalang kalagayan ang 48-anyos na shuttle bus driver matapos na ito ay barilin ng sumpak ng kanyang nakababatang kapatid sa Calamba City, Laguna noong Sabado ng gabi.

Ginagamot sa Dr. Jose P. Rizal Memorial Hospital ang biktimang si Arnold Oruga Navarro na nagtamo ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa report ng Calamba City Police, pinasok ng suspek na si Arney Navarro, 38, ang kapatid sa kanyang kuwarto sa bahay nito sa Brgy. Mayapa at saka tinutukan ng de-sabog at pinaputok.

Nagkaroon umano ng pag-aaway ang magkapatid na umabot sa pag-uusap sa barangay hall.

Subalit hindi naresolba ng mga barangay official ang away ng dalawa kaya umuwi sa kanilang bahay ang suspek at kumuha ng baril.

Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad ang suspek na agad tumakas matapos ang insidente. (Ronilo Dagos)