Julius M. Segovia
Kinain ka na rin ba ng sistema? Ngayong naka-quarantine pa rin ang Metro Manila at malaking bahagi ng bansa, tiyak akong inip na inip ka pa rin sa loob ng bahay. Para iwas-COVID-19, alam kong tambay ka pa rin.
Kaya marami ang nahuhumaling sa pagti-tiktok. Para sa iba, pang-alis bagot ang pagkanta, pagsayaw o pag-arte sa harap ng camera.
Pero iba ang naging motibasyon ng tiktok sensation ngayon na si Richo Bautista o mas nakilala ng netizens sa kanyang ‘Kapitbahay Serye’. Ang kanyang pakay sa pagtitiktok, pasayahin tayo ng kanyang mga comic skit.
Hindi biro ang inabot na kasikatan ng 39-year old na teacher sa isang public school sa bayan ng General Mariano Alvarez, sa lalawigan ng Cavite. Ang kanyang followers, umabot na nang higit isang milyon! Pati ang views ng tiktok videos niya, milyun-milyon na rin!
Maswerte akong nakapanayam ko si Teacher Richo sa pilot episode ng Tandem nina Julius at Cecille, ang weekly FB talkshow namin ng broadcast-journalist din at dating Kapuso reporter na si Cecille Villarosa.
Bagaman online lang kami nagkakuwentuhan, ramdam ko ang pagiging humble ni Teacher Richo. Hindi pumapasok sa isip niyang kilala na siya ng maraming tao dahil sa kanyang mga nakakatawang eksena sa tiktok videos.
May ilang product endorsements na raw na lumalapit sa kanya. Malaking tulong daw ito lalo pa’t siya ang breadwinner ng pamilya. Pero sa kabila nito, hindi raw niya tatalikuran ang pagiging guro.
Katunayan, kita pa sa FB posts niya na siya mismo ang nag-iikot para isa-isahin ang mga estudyante niyang hirap sa online registration. Iba raw kasi ang pakiramdam ng pagiging guro.
Maraming pinakawalang joke si Teacher Richo habang iniinterview namin ni Cecille. Ang isa sa tumatak sa isip ko, ang pagtuturo raw niya ng sayaw sa mga bata via zoom. Dahil bawal ang face-to-face interaction sa pasukan, virtual daw ang mode of learning at teaching. Pabiro niyang sabi, “Paano po ako magtuturo ng sayaw. E MAPEH (Music, Arts, PE and Health) ang subject ko. Via Zoom na lang po?”
Skills ang pagpapatawa. Sabi nga ng ilang komedyante, mas madaling magpaiyak kaysa magpatawa ng mga manunuod. Pero si Teacher Richo, napaka-natural ng bawat salita, kilos at galaw niya. Marahil, ang pagiging totoo at mapagpakumbaba ang nagdala sa kanya sa kasikatan.
Pero mismong si Teacher Richo, aminadong hindi siya ligtas sa pagkabalisa ngayong may pandemya. Sa totoo lang, malungkutin daw siya lately dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Kaya payo niya sa kanyang followers, huwag kalimutang magdasal. Laging humingi ng gabay sa Kanya dahil hindi ka Niya kailanman iiwan. Sa’yo Teacher Richo, hangad ko ang lalo pang pagyabong ng iyong karera sa mundo ng showbiz!
Kaabang-abang din ang mga susunod na tiktok videos niya dahil may mga bagong karakter na papasok sa eksena.