Si Sara ang nagluklok kay Arroyo na speaker — Duterte

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte ang nasa likod nang pagpapatalsik kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez.

Sinabi ng Pangulo na iba ang karakter ng kanyang panganay na anak at huwag tawaran ang kakayahan dahil tiyak na bubuwelta ito.

Kagaya aniya ng ginawa kay Alvarez na napatalsik sa Kamara sa mismong araw ng state of the nation address ng Pangulo noong Hulyo.

Hindi nagustuhan ni Mayor Sara ang pahayag ni Alvarez na kaya nitong i-impeach ang kanyang ama.

“Talagang ano yang si Inday. Be careful with that woman. She can oust even the Speaker. She operated in Davao. Babae ito ha, tingnan mo nangyari sa Congress, eh ‘di natanggal si Bebot.,” anang Pangulo.

Pero sa kabila nito, sinabi ng Presidente na kaibigan pa rin niya si Alvarez at susuportahan ito sa kanyang kandidatura.

Sinabi ng Pangulo na balewala sa kanya ang mga sinabi noon ni Alvarez dahil magkaibigan sila ay politika lang naman ito, pero iba aniya si Mayor Sara dahil talagang tinrabaho nito ang pagkudeta sa dating House Speaker.

Nalaman lamang ng Pangulo na si Mayor Sara ang nasa likod ng kudeta kay Alvarez nang magkuwento sa kanya si Tourism Secretary Berna Romulo Puyat.

Nagkita aniya sina Puyat at Mayor Sara sa restroom sa Kamara at ipinaabot sa kanya ang mensahe sa ama na humihingi ng paumanhin.

“Before I knew it in Congress, nagkuwento si Berna, noon ko lang nalaman. Nagkita sila sa restroom sa Congress at sabi ni Inday “tell my father I’m sorry”. Wala akong… honest to God, si Inday ang nag-manuever kaya baka pati ako, pag naisahan ako ikudeta niya, ako lang ang maiwan sa labas,” dagdag na kuwento ng Pangulo.