Sabagay hindi na bago sa mundo ng pulitika ang mga balasubas lalo na tuwing panahon ng eleksyon. Kaya nga ba maingat ako sa pagrerekomenda ng mga negosyanteng kakilala sa mga naghahanap na pulitiko na gagawa ng kanilang mga campaign paraphernalia.
Katulad na lamang ng isang talunang senatoriable na noong panahon ng kampanya ay napakasipag daw makipag-ugnayan sa mga negosyanteng kinuha niya para kumontrata ng mga kakailanganin sa kampanya.
Ang hindi ko lamang ma-gets sa talunang senatoriable na ito ay mayaman naman ito at hindi siya basta mayaman lang kundi mula siya sa angkan ng mayayaman sa ating bansa kaya hindi ko mawari kung bakit hindi niya mabayaran ang isang negosyanteng pinagkakautangan daw niya ng milyones.
Sa kuwento ng ating source, milyun-milyong halaga raw pala ng mga campaign paraphernalia ang isinuplay nitong negosyante na isang lady supplier pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito binabayaran.
Hindi na nga raw binabayaran ay hindi rin siya hinaharap ng talunang pulitikung ito.
Imagine, ang lady supplier na ito ang nagpakahirap na halos napabayaan na pala ang pamilya para lamang mag-concentrate sa pagsuplay ng mga ipinamudmod na t-shirts, apron, payong, pamaypay, armbands, tarpaulin at mga sample ballot nang wala man lamang down payment.
Umabot daw sa milyun-milyong halaga ng campaign paraphernalia ang naideliber ng lady supplier na ito sa talunang senatoriable at natapos na ang halalan ay hindi pa rin ito nakasisingil.
Halos kinalyo na nga raw ang mga paa at inugatan na ang binti ng lady supplier sa pagpapabalik- balik sa opisina at headquarters ng pulitiko pero hindi ito hinaharap bagkus ay ang mga abogado lamang nito na tumayong campaign manager ang kumakausap.
Pero in fairness sa mga abogado ng talunang senatoriable ay nagbibigay naman daw ang mga ito ng pangako kaya nga lamang sa apat na beses na pagbibigay ng petsa ng pagbabayad ay puro paasa lamang at wala namang ibinabayad.
Dahil desperado nang makasingil ay nagpaplano si lady supplier na magharap ng reklamo sa Comelec laban sa nasabing talunang politiko.
Nakaka-sad naman ang kuwentong ito ni lady supplier at nakaka-sad din sa parte ng talunang senatoriable dahil hindi malayong makaladkad pa ang kanyang angkan sa hindi magandang senaryong ito.
Kaya sana bago pa lumaki ang eskandalong ito ay makipag-ayos na itong si senatoriable para matapos na ang lahat dahil malaki pa naman ang kanyang tsansang manalo sakaling sumabak muli ito sa darating na eleksyon.