Siargao ginagawang transhippment point ng mga cocaine trafficker

Malaki ang hinala ni House committee on dangerous drugs chairman Robert Ace Barbers na ginagawang transhippment point ng ilang mala­laking international drug cartel ang karagatan sa paligid ng isla ng Siargao.

Ginawa ni Barbers ang pahayag kasabay ng pagkakasamsam ng mahigit sa 40 piraso ng cocaine brick na nagkakahalaga ng P257.4 milyon sa karagatan na sakop ng bayan ng Burgos sa Surigao del Norte nitong Lunes nang hapon.

Sa isang panayam, sinabi ni Barbers na posibleng ginagawang bagsakan ng mga banyagang sindikato ang nasabing sikat na tourist destination dahil may mga politiko o maimpluwensyang tao itong kasabwat sa nasabing lugar.

Paliwanag ni Barbers, posibleng pinapadaan sa Siargao ang mga bloke-blokeng cocaine upang i-repack o gawing transhippment point lamang para sa wholesale distribution.

Dagdag pa ng kongresista, maaaring tumataas na din ang demand ng cocaine sa Siargao dahil sa dami ng mga banyagang bumibisita sa isla. (JC Cahinhinan)