Nalagasan na naman ang gabinete ni US President Donald Trump. Ang pinakahuling casualty ay si State Secretary Rex Tillerson na sinibak sa pamamagitan ng ‘social media’.
Sa halip na opisyal na ianunsiyo sa harapan ng White House Press Corps, ginawa ni Trump ang pagsipa kay Tillerson sa pamamagitan ng ‘Twitter’.
Sa ‘tweet’ ni Trump na nabasa agad ng mga ‘netizen’, inihayag nito ang pagsibak kay Tillerson na agad inanunsiyo ang kapalit sa katauhan ni Mike Pompeo, Director ng Central Intelligence Agency o CIA.
Inihayag rin ni Trump ang papalit kay Pompeo, si Gina Haspel, kauna-unahang babaeng Amerikano na Director ng CIA.
Ito na kaya ang huling sibakan sa White House o nagsisimula pa lang?
***
Nangyari na rin ito sa gabinete ni PDu30. Marami na ang nawala sa mga naitalagang ‘core supporter’ ng Presidente.
Nawala sa Foreign Affairs si Sec. Perfecto Yasay, dahil hindi inaksyonan ng Commission on Appointments ang nominasyon.
Sina dating Environment Sec. Gina Lopez, Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo at Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano ay hindi rin nagtagal sa puwesto.
Si dating Local Government Sec. Ismael Sueño sinibak naman habang nasa kalagitnaan ng pulong ang gabinete.
***
Panahon na ng mga ‘sports competition’ kaya naman ang mga sports club sa iba’t ibang panig ng bansa, kahit walang pondo ay nagsisikap makapagsagawa ng ‘competition’ tulad ng Amoranto Table Tennis Club (ATTC).
Noong Sabado, sa pangunguna ni Marcos de Jesus ng ATTC at sa suporta ni Col Alex Abila, administrador ng Amoranto Sports Complex, matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang ‘Pingpong tournament’ sa taong 2018. Simple at payak lamang ang kompetisyon. Ang mga nanalo ay nag-uwi ng bigas at sertipikasyon.
***
Ayon kay Col Abila, bagama’t ‘morale booster’ ang mga medalya sa mga patimpalak, ang mahalaga ay maikintal sa mga manlalaro, lalo na sa mga bata ang kahalagahan ng ‘sportsmanship’ at magandang kalusugan.
Sa pamamagitan ng isport, tulad ng ‘Pingpong’, mailalayo ang mga bata sa mga bisyo tulad ng iligal na droga. Hamon ni Administrator Abila sa ATTC, sikaping dalhin sa komunidad ang ‘Pingpong’.
Congratulations winners!