Hindi na makapapayag pa ang militar na makalusot sa kanilang kordon ang mga miyembro ng Maute sa Marawi City.
Ito ang tiniyak ni Col. Jo-Ar Herrera, 1st Infantry Division spokesperson, kasabay ng pahayag na nagdagdag pa ng checkpoint at tinodo pa ang paghihigpit ng militar sa lungsod.
Sa nasabing paghihigpit, lahat ng mga sasakyan ng mga sibilyan ay kinakailangang lagyan ng puting watawat.
Bukod sa identification card pinaglalagay na rin ng puting tali sa braso o arm band ang mga sibilyan at maging ang mga kabahayan ay pinalalagyan ng puting watawat sa mga bintana o balcony.
Layon nito na madaling matukoy ang mga sibilyan at hindi mapagkamalang mga bandido.
Kaugnay nito, umaabot sa 560 sibilyan na hinostage ng halos isang linggo ng teroristang Maute sa Marawi City, Lanao del Sur ang nailigtas na ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya matapos mapasok na ang nasa 85 porsyento ng lugar sa Marawi City habang nagsasagawa sila ng retrieval at clearing operations.
Kahapon sa huling ulat, kinumpirma rin ni Herrera na umabot na sa 106 katao ang nasawi.