Dear Atty. Claire,
May karapatan po ako o ako lang ang makakapag-park sa tapat ng bahay ko. At pagbawalan ang iba? Lalo na kung hindi sila nagbabayad ng Homeowners Association.
Nakakainis na po ang kapitbahay ko na sa tapat po ng bahay namin laging nagpa-park samantalang hindi siya nagbabayad ng association dues sa Homeowners Association namin.
Salamat po.
Malyn
Dear Malyn,
Hindi ka nag-iisa sa nararamdaman mong iyan dahil karamihan sa kababayan natin ay iyan din ang problema.
Pero ito ang tandaan natin na ang tapat ng bahay mo ay ang frontage na maituturing na isang common area at walang nagmamay-ari nito kundi lahat ng miyembro ng Homeowners Association (HOA). Sa ibang subdivision nga ay ipinagbabawal ang street parking dahil sagabal ang anumang sasakyan na naka-park sa kalye sa malayang daloy ng mga tao at sasakyan. May nabasa ako na isang HOA na may ganitong alituntunin o rules sa kanilang mga miyembro:
“No Street Parking. It shall be prohibited for all residents to unnecessarily park their vehicle/s on the streets or pathways or in front of houses to allow the free flow of human and vehicular traffic. The Association shall not be responsible for any damage or loss to property resulting from violation of this provision.”
Isangguni mo ang problema mo sa mga opisyal ng inyong HOA upang malaman mo na baka naman mayroon kayong rules about street parking upang ang mga officer na ninyo ang siyang tumawag ng atensiyon ng inyong kapitbahay upang siya ay pagbawalang mag-park sa tapat ninyo. pero kung ganito ang gagamiting katuwiran ay tiyak hindi ka rin dapat na mag-park sa kalye pati na sa harapan ng bahay ninyo.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.