Sigaw ng katarungan sa pinaslang na Grab driver

Sa pahayag ng nakatatandang kapatid ni Cristina na si Shirley sa mga mamamahayag, hindi aniya maubos-maisip ng buong pamilya na ang kriminal na pumaslang sa dalaga pa ngayon ang nag-aakusa na kasalanan pa umano ng kanilang kapatid ang kanyang pagkamatay at ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili.

Labis aniya ang kapal ng mukha ni Largado upang akusahan ng mga maling paratang ang kanilang kapatid at tiniyak na ipagla­laban nila hanggang sa huli ang usapin upang mabigyang hustisya ang karumal-dumal na krimen at tuluyang malinis ang dinungisan pang pangalan ni Cristina at kanilang pamilya.

Sa kabila ng mga isiniwalat na paratang ni Largado kay Cristina, tiniyak ni Lt. Col. Alvin Consolacion na hindi magagamit ng akusado ang kanyang depensa upang mapatawan ng karapatang parusa ang ginawang krimen.

Tiniyak din ng opisyal na matibay ang kanilang mga ebidensiya laban kay Largado, kabilang na ang kanyang pag-amin sa krimen, pati na ang mga tinangay niyang sasakyan, mga personal na gamit ni Cristina at ang plastic sachet ng shabu na nakumpiska sa kanya.

Patong-patong na mga kasong robbery with homicide, carnapping at paglabag sa Article III Section 11 ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa ng Cainta Municipal Police Station laban kay Largado sa Rizal Provincial Prosecutor’s Office.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.